Pagbili ni Julia ng house & lot malapit sa bahay ni Coco walang malisya: Pikit-mata ko siyang kinuha!
MAINIT ang pagtanggap ng mga manonood sa tambalan nina Coco Martin at Yassi Pressman sa seryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
Sa katunayan, marami ang nagsasabi na malakas ang chemistry ng dalawa on screen kaya gustung-gusto sila ng viewers.
Sa one-on-one interview namin sa Daytime Drama Queen na si Julia Montes pagkatapos ng thanksgiving presscon ng Dreamscape Entertainment para sa success at huling dalawang linggo ng Doble Kara, tinanong namin ang dalaga kung aware siya na nali-link ngayon si Coco kay Yassi.
“Opo, alam ko na may ganu’n, pero hindi kami nagkukuwentuhan nang personal ni Coco kasi more on work, puro work ang pinag-uusapan namin kapag nagkikita kami o nagkaka-text. Kumustahan lang.
“Minsan kapag napanood namin ‘yung mga serye namin, sasabihin namin, ‘uy, ang ganda ng eksena mo, ah.’ Ganu’n po kami,” paliwanag ng dalaga.
Samantala, bakit sa rami ng subdibisyon sa Metro Manila ay mas pinili niyang tumira sa lugar kung saan nakatira si Coco.
“From the very start po, nag-uusap kami noon, nagtatanong na ako kasi gusto kong magkaroon pa ng isa pang property and may tinitingnan ako na hindi pala okay ‘yun kasi may fault line.
“Tapos sabi ko sa kanya, ‘e, ‘yung sa inyo (subdibisyon nila ni Coco)? At that time may commercial na akong ginawa, sabi nga niya, ‘ay maganda ro’n, doon nga ako nakakuha.’ Sabi ko, ‘ah talaga maganda ba?’ Tapos nag-check na ako roon.
“Tapos hanggang sa everytime na mayroon akong serye, dumadaan ako. Hanggang sa naging decided na akong kunin, pikit-mata kong kinuha. Feeling ko naman, ibibigay ni Lord ang trabaho kapag may sinimulan akong investment which is ‘yun ang nangyari.
“So lot pa lang po noon, pero nu’ng binili ko ‘yung sa akin, midway na (ginagawa na ang bahay). Sa lahat ng pinuntahan kong lot at ready to move in na, ang gaan-gaan ng pakiramdam ko maglipat. Kaya sabi ko, parang okay ‘to. Kaya iyon na,” ani Julia.
Balik-tanong namin kung mayroon na siyang sariling bahay, may bahay na rin ang magulang niya at lola niya, ano pa ang kulang? “Siguro po, ako hindi naghahanap, pero ang wino-work ko ngayon ay para po sa mga kapatid kong lalaki, so kapag nagkapamilya sila, dapat mayroon sila kasi nakakaawa naman kung wala, mga bata pa and still studying, kaya more work-work.
“Hindi ko naman ma-secure ang future nila, what if kung wala pa silang work, at least may bahay na sila. Inaayos ko, actually kaya ako bumili ng dalawang bahay ay para po sa kanila, hindi para sa akin,” anang aktres.
q q q
Anyway, sa siyam na huling dalawang linggo ng Doble Kara ay huwag daw bibitaw ang viewers dahil pasabog daw lahat ang bawat episode.
Nabanggit din ng aktres na looking forward siya palagi sa taping ng DK.
“Ano nga po, e, sa tuwing may taping kaming lahat, kitang-kita mo na ang saya-saya namin at looking forward na magkakasama kaming lahat kasi ang ganda ng bonding namin,” kuwento ni Julia na gumaganap bilang kambal na sina Sara at Kara.
Tinanong din namin sa dalaga ang tsikang lilipat daw siya sa GMA 7 para sa Encantadia bilang kapalit ni Kylie Padilla na buntis nga ngayon kay Aljur Abrenica.
Nabanggit pa sa blogsite na pinatatapos lang daw ang Doble Kara at mangingibang bakod na ang dalaga. Ang sabi ng Daytime Drama Queen, “Baka siguro po incorporate lang ‘yung pagtatapos ng Doble Kara, pero wala naman pong ibig sabihin ‘yun.
“As in nu’ng tinag po ako, gulat na gulat ako parang may nagsabi pang nag-audition pa raw ako, it’s not true po talaga,” sabi pa ng aktres.
Kamakailan lang ay nag-renew si Julia ng kontrata sa ABS-CBN, “I think, three years po yata ‘yung pinirmahan ko.”
Dreamscape baby si Julia dahil simula raw nu’ng gumawa siya ng teleserye ay hindi na siya nawala sa unit ni Deo T. Endrinal.
Hindi na rin pala matutuloy ang bakasyon ni Julia sa Germany pagkatapos ng Doble Kara.
“Hindi po, eh. Baka po si papa ang bumalik dito sa June. Saka hindi ko rin po maiwan ang family ko, so kailangan kung aalis man po ako, kailangan ma-settle ko lahat kung magbabakasyon ako ng matagal-tagal,” katwiran ni Julia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.