Julia sa susunod na boyfriend: Ipaglalaban ko hanggang dulo!
SA wakas ay naka-one-on-one din namin si Julia Montes pagkatapos ng finale presscon ng seryeng Doble Kara noong Lunes. Dalawang linggo na lang ang Doble Kara at nananatili pa rin itong number one sa ratings game.
Matagal na kasi kaming nagpapa-set sa handler niyang si Mac Merla ng Cornerstone Talent Management dahil marami kaming gustong itanong na isa-isa namang sinagot ng tinaguriang Daytime Drama Queen.
Kamakailan ay nagkuwento na si Julia sa programa ni Kuya Boy Abunda na Tonight With Boy Abunda kung bakit siya umalis sa Star Magic, pero muli namin siyang tinanong kung bakit ba siya umalis pagkalipas ng 11 years sa pangangalaga ni Mr. Johnny Manahan.
“Honestly po, nu’ng umalis ako (sa Star Magic), as in naka-hang lang po ako, wala akong plano kung saan lilipat, it’s just a personal decision at pinapasa-Diyos ko lang, ‘sabi ko, Lord, paano ito, saan po ako lilipat?’
“Sa totoo lang, wala naman pong problema na dapat i-tackle sa pag-alis ko, it’s just that, gusto ko lang po ng new journey, new management,” ani Julia.
Nakukulangan ba siya sa ginagawa ng Star Magic sa career niya? “Hindi naman po sa hindi kuntento.
Magkaiba po ‘yung hindi kuntento sa may gusto lang akong i-explore.
“Actually, sobrang risky po talaga at mahal na mahal ko si tatay (Mr. M), mahirap ‘yung desisyon for me, hindi naging madali, pero ‘yun po. Pumasok lang sa isip ko na isang gabi, parang sabi ko, ‘Lord ano ba ito, ilang weeks na akong ganito, sino ang lilipatan ko?
“Suwerte ko lang po na ‘yung Doble Kara na sobrang close kaming lahat, ‘yung requirements (sa show), tine-text sa amin personally, kasi kung sa ibang show (unit) iyon, wala kaming details para makuha iyon, wala na kasi akong management at that time (October, 2016). Tapos naalala ko lang si kuya Mac na nakausap ko siya sa isang party na nasa Cornerstone na siya (dating taga-Star Cinema).
“Wala akong idea, hindi ako marunong kung ano ‘yung dapat lipatan o ano ba ang ibang management, clearly I have no idea.
“Kaya tinanong ko nga siya kung tumatanggap ba sila ng artistang hindi singer. Ha-hahaha! Kasi nga iyon lang po ang pumasok sa isipan ko, God’s will lang lahat kasi ganu’n po ako, ipinapagpasa-Diyos ko lahat,” mahabang paliwanag ng aktres.
Bakit hindi siya lumapit kay Biboy Arboleda para sana iisa na ang manager nila ni Coco Martin.
“Naisip ko rin po si Mother Bibs (tawag kay Biboy), kaso nahihiya po ako, parang feeling ko, ‘paano ba ito, paano ko kakausapin?’ Siyempre, kilalang-kilala ko si Mother Bibs. Mas nanaig lang po ‘yung hiya ko.
“Tapos nakadagdag din si Sam (Milby) kasi nagtanong ako sa kanya kung okay ang Cornerstone, tapos sinabi ko agad, hindi ako singer, ha? Tapos sabi nga niya (Sam), okay nga raw ang Cornerstone. Tinanong nga kung gusto kong magka-album, sabi ko hindi,” kuwento ng aktres.
q q q
Diretsong tanong namin sa dalagang matagal nang nali-link kay Coco kung kailan sila aaming dalawa sa kanilang relasyon. Tumawa siya nang husto sabay sabing, “Ayaw po namin i-push ‘yung friendship namin. Malalim po talaga ‘yung friendship namin.”
Inamin ni Coco sa nakaraang thanksgiving presscon na pagsapit niya ng 40 years old ay gusto na nitong magkapamilya, handa na ba si Julia sa loob ng limang taon.
“Personal ko po itong opinyon, ako po ‘yung tao na family oriented. Pangarap kong magkaroon ng pamilya, maayos na pamilya, so ayokong mag-risk na pumasok dahil gusto ko lang magkaroon ng boyfriend o gusto kong magkaroon ng partner sa buhay.
“Gusto ko pag papasok ako, seryoso ako at ipaglalaban ko iyon hanggang dulo,” katwiran ng dalaga.
At dahil wala talaga siyang boyfriend ngayon ay tinanong namin kung sino ang huli niyang nakarelasyon at diretso naman niya itong sinagot, “Si Enchong (Dee) po ang first boyfriend ko at last pa, isang suntok sa buwang desisyon ko sa buhay kasi bata pa po ako noon. Kaya ayaw ko pong pumasok sa isang bagay na hindi ko kaya. First boyfriend ko, so hindi ko pa alam paano mag-handle, kaya hayun, naghiwalay kami.”
As of now ay maganda naman ang relasyon nina Julia at Enchong.
Going back to Coco, bakit nabalitang hiwalay na sila o nag-away sila? “E, siguro hindi po kami nagkikita together, tapos may bagong kapartner. Ganu’n naman po talaga, eh,” kaswal nitong sagot.
Bukas ise-share namin sa inyo ang iba pang napag-usapan namin ni Julia, kabilang na ang tungkol tambalan nina Coco at Yassi Pressman sa FPJ’s Ang Probinsyano at kung bakit mas ginusto niyang tumira sa subdivision kung saan nakatira rin si Coco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.