Natupad lahat ng pangarap ko simula nang maging deboto ako ng itim na Nazareno!- Angeline
NABANGGIT sa amin ni Angeline Quinto na lagi siyang nagpapasalamat sa blessings na dumarating sa kanya sa loob ng anim na taon niyang pamamalagi sa showbiz, ito rin ang dahilan kaya 17 taon na siyang deboto ng Itim na Nazareno.
“Ate Reggs, nag-start po ako 10 years old pa lang kasi si Mama Bob (lolang nagpalaki sa kanya) po ang nagturo sa akin no’n nu’ng bata pa po ako kasi sa Sampaloc kami nakatira.
“Doon sa lugar namin, may imahe po kami ng Nazareno na laging isinasama sa prusisyon tuwing January 9.
“Kaya natuto po akong sumama sa prusisyon ng nakapaa kasama sina Mama Bob. Nilalakad lang po namin mula bahay hanggang Quiapo. Four years na akong sumasampa para ipunas ‘yung panyo ko na may mukha ng Nazareno at itinatago ko po iyon,” kuwento sa amin ng bida sa bagong Regal Films movie na “Foolish Love” kasama si Jake Cuenca.
Hindi ba siya natatakot na baka bumagsak siya sa mga nagkakagulong deboto?
“Hindi naman po, pero ‘yung unang-unang sampa ko po, medyo natakot ako kasi hindi ko alam kung ano ang gagawin ko? Pero since may tumutulong sa akin na grupo, taga-Makati Chapter sila, sila lagi ‘yung nasa likod ko kaya hindi ako nahirapang sumampa.
“Hindi na po kaya ni Mama Bob sumali sa prusisyon kaya ako na lang po kasama mga kaibigan kong taga-Sampaloc pa rin, may mga kaibigan na rin akong taga-ABS-CBN na sumama,” pagpapatuloy ng singer-actress.
Pareho silang deboto ni Coco Martin ng Black Nazarene, sabay ba sila ng aktor nagsimula? “Ay, ate Reggs, hindi ko po alam kung ilang taon na siya (deboto), pero alam ko matagal na kasi sa Sampaloc din nakatira noon si Coco.
“Ang alam ko, si Kabayang Noli (de Castro), matagal na kasi bata pa lang ako nakikita ko na siyang sumasampa,” kuwento pa ng dalaga.
Hindi raw nakita ni Angeline sina Coco at Kabayang Noli noong nakaraang Traslacion, “Pero magkasunod po kaming sumampa sa grandstand, before po siya (Coco) dumating, kumanta ako.”
q q q
Ang laki raw talaga ng ibinago ng buhay ni Angeline simula nu’ng naging deboto siya ng Nazareno.
“Oo ate Reggs, napakarami talaga, pero ang lagi kong hinihiling sa apat na taon kong pagsampa ay for Mama Bob, gusto ko lang sana pag nagkaroon ako ng sarili kong family, nandidiyan pa siya. Saka hindi ako mawalan ng work, sa awa ng Diyos, may mga trabaho naman, kasi next month po, February, 6th year ko na sa showbiz.
“Sobrang blessed, tulad nitong February, bago kami umalis para sa ‘Divas Live On Tour’ sa Los Angeles (Feb. 17), San Diego California (Feb. 18) at San Francisco (Feb. 19) ay may provincial tour muna kami.
“Tapos pagbalik namin ng Pilipinas, may Birit Queens concert naman kami kasama sina Klarisse (de Guzman), Jona at Morissette, sa MOA naman ‘yan sa March 31.
“Tapos may pelikula pa akong ipalalabas sa January 25, itong ‘Foolish Love’ namin ni Jake, kaya ate Reggs, sobra-sobrang blessed talaga ako,” mahabang kuwento ng dalaga.
Isa pang nakakatawang kuwento ni Angeline ay kinakausap daw niya ang mga bituin simula bata siya kaya nagpa-tattoo siya nito sa kaliwang kamay.
“Mahilig po ako talaga sa bituin kaya nga ako nagpa-tattoo, (sabay pakita sa amin). Alam mo ba ate Reggs, nu’ng bata pa ako, nakatira ako sa bahay ng tatay ko.
“Ang corny nito pero totoo, alam mo bang kinakausap ko ang mga bituin tuwing gabi kasi may terrace kami. Sabi kasi sa akin ng kaibigan ko na once na may nakita akong bituin na makinang, titingin lang daw ako sa langit at kausapin ko raw.
“Ang lagi kong sinasabi sa bitun, sana makasakay ako ng eroplano, heto, lagi na nga akong sumasakay ng eroplano, jetlag na nga ako lagi, eh!” tumatawang sabi ng dalaga.
Mapapanood na ang “Foolish Love” sa darating na Enero 25 handog ng Regal Entertainment mula sa direksyon ni Joel Lamangan.
Makakasama rin sa “Foolish Love” ang sikat na tambalang TomMiho na unang nakilala sa Pinoy Big Brother, sina Tommy Esguerra at Miho Nishida na nagkatuluyan nga sa loob ng Bahay ni Kuya at going strong pa rin ang relasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.