Pelikula nina Julia at Joshua sa MMFF 2016 nanguna; kulelat na entry kumita lang daw ng P4,000
NATUTUWA kami para kina Joshua Garcia, Julia Barretto at Ronnie Alonte dahil ang pelikula nilang “Vince & Kath & James” ay maituturing agad na box-office hit dahil ito raw ang nangunguna sa MMFF 2016.
Base sa nakuha naming result sa unang araw (Dec. 25) ng festival ay nanguna ang pelikula ng Star Cinema na kumita ng P17 million and still counting as of this writing.
Si Julia agad ang naisip namin nang kumita ang “VKJ” dahil sabi nga niya sa nakaraang interview namin sa presscon ng pelikula “It’s my real movie,” na ang ibig sabihin ay first title role niya.
At higit sa lahat, mukhang nakabawi na nga ang dalaga sa kanyang career, at ito naman ang hiniling niya nu’ng mag-guest siya sa Tonight With Boy Abunda na sana’y mahalin siya ng tao at panoorin ang “VKJ”.
Ito ang magandang resulta ng pakikipag-ayos ni Julia sa amang si Dennis Padilla bago mag-Pasko. At least magiging positive na ang Bagong Taon ng dalaga.
Anyway, ikalawa naman sa labanan ang “Die Beautiful” na kumita ng P10.5 million; ikatlo ang “Babae Sa Septik Tank 2” na nakapagtala ng P9.4 million kita sa opening day; ikaapat ang “Seklusyon” na nagtala ng P8.5 million; panglima ang “Saving Sally” with P1.8 million; at nasa hulihan naman ang “Oro” na kumita ng P600,000; “Kabisera”, P450,000 at “Sunday Beauty Queen” na kumita lang ng P4,000.
Bago pa ginanap ang MMFF ay nakapag-survery na kami, at tama ang halos lahat ng tinanong namin na nagbigay ng kanilang top 4 at bottom 4.
Kung ibabase ang figures na kinita ng walong pelikula sa unang araw ay malabong makamit ng MMDA at MMFF ang target revenue nilang P1.5 billion at baka nga hindi pa umabot sa P500 million hanggang Enero 3.
Base rin sa mga nakita naming post sa social media at napagtanungan naming nanood na at naglibot sa mga mall noong Dis. 25 ay kokonti lang ang mga taong nakapila kung ikukumpara sa mga nagdaang taon.
Sana lang ay madagdagan pa ang kita ng lahat ng mga pelikulang kasali sa 2016 MMFF para kahit paano’y kumita naman ang mga producers.
Samantala, iisa ang hula ng mga nakakausap namin na baka iuwi ng “Die Beautiful” ang Best Actor at Best Float, at Best Actress naman si Rhed Bustamante ng “Seklusyon” at posibleng mag-uwi rin ng technical awards ang nasabing pelikula kasabay din ng “Kabisera” at “Oro”.
Nagustuhan naman ng karamihang tinanong namin ang istorya ng “Saving Sally” at “Vince & Kath & James” kaya baka isa sa kanila ang manalong Best Story or Best Film at sa Best Director award naman ay puwedeng maglaban sina Jun Lana (Die Beautiful), Erik Matti (Seklusyon) at Theodore Boborol (VKJ).
Gaganapin naman ang Metro Manila Film Festival awards night sa KIA Theater, Araneta Coliseum, Cubao sa Dis. 29, Huwebes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.