Susan: Coco Martin is priceless!
TAMA ang sinabi ni Ms. Susan Roces na “Coco Martin is priceless,” nang tanungin ang aktor kung ano na ang halaga o value niya ngayong number one ang FPJ’s Ang Probinsyano at umabot na nga ng isang taon sa ere.
Bihira na kasi ang programang tumatagal ngayon lalo na kung hindi kagandahan ang rating at base rin sa pagtatanong namin sa Marketing Department ng ABS-CBN ay ang programa ni Coco ang may pinaka-maraming commercial load.
Priceless naman talaga si Coco dahil hindi lang siya artista kundi kasama rin siya sa creative team ng Dreamscape Entertainment at isa siya sa nag-iisip kung paano buuin at gawing kapani-paniwala ang mga ipinalalabas nilang episodes sa FPJAP.
Mas nauuna pa nga raw mapanood sa Ang Probinsyano ang mga nangyayaring krimen sa bansa katulad ng pagre-raid sa shabu laboratory na pag-aari ni Albert Martinez bilang si Tomas sa kuwento sa pangunguna ni Cardo (Coco).
Maraming aral din ang natututunan ng mga manonood sa serye, lalo na ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga krimeng nagaganap sa paligid at kung paano maiiwasan ang mabiktma ng mga sindikatong kriminal.
“Napakarami po (matututunang values), siguro bilang isang normal na tao, as a viewer at as an actor, maraming good values ang naipapakita, unang-una pagdating sa pamilya kung paano nagmamahalan, nagi-intindihan ang isang pamilya. Paano sino-solve pag nagkakaproblema kami at paano ‘yung pakikipag-kapwa tao ko sa labas ng aking tahanan.
“Bilang artista, na-absorb ko lahat ‘yun at may values akong natutunan at bilang pulis naman, nakikita ko ‘yung mga karapatan ng mga pulis at karapatan ng mga indibidual na tao na napapaalam natin sa ating manonood.
“Maraming lesson talagang natutunan at nage-enjoy din kami sa ginagawa namin hindi lang para makapag lahad ng kuwento kundi para makapagbahagi sa manonood na may good values ang mga Pilipino na dapat hanggang ngayon alam n gating mga anak at alam n gating mga kabataan,” mahabang kuwento ni Coco.
Promise ng Teleserye King marami pang aabangan ang viewers sa kanilang teleserye.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.