Jericho pinakamabentang Pinoy actor sa Asya; binansagang Asian Drama King
OVERWHELMING ang feeling ni Jericho Rosales habang ginaganap ang grand presscon ng bago niyang seryeng Magpahanggang Wakas kung saan makakatambal niya si Arci Muñoz mula sa unit ni direk Ruel S. Bayani.
Puro papuri ang ibinigay sa kanya ng mga kasamahan sa serye pati na rin ng mismong ABS-CBN management. Si Echo pa rin kasi ang sinasabing pinakamabentang Pinoy actor sa Asia hanggang ngayon.
Nagsimula ang kasikatan ng aktor sa Asian countries at iba pang bahagi ng mundo dahil sa teleseryeng Pangako Sa ‘Yo na ipinalabas noong 2000 hanggang 2002 kasama ang dating girlfriend na si Kristine Hermosa. Ito kasi ang unang Pinoy serye na binili sa ibang bansa tulad ng Indonesia, Malaysia, Thailand, United States at Africa na isinalin sa iba’t ibang lenguwahe.
Ang business unit head na si Direk Ruel ang nagkuwento para malaman ng lahat kung sino si Echo sa labas ng bansa at kung bakit tinawag siyang Asian Drama King.
“I will take this opportunity kasi itong si Echo, ayaw na ayaw niya ang title na Asian Drama King. Ayaw niya ng mga title. But you see, kailangan naming ipaalam sa inyo na there’s no other Kapamilya actor has sold more a drama program all over the world than Jericho Rosales.
“He opened the doors for the Philippines via Pangako Sa ‘Yo. It introduced the Philippines to the rest of the world. So, pioneer siya from Pangako Sa ‘Yo, tapos, tuloy-tuloy, laging ino-order ang mga shows niya.
“And last year, the best-selling soap of the Philippines was Bridges of Love again by Jericho Rosales which is the first Filipino soap to air in Latin America. So, everytime, may nagbubukas na door, gateway, Jericho Rosales is always front and center. Laging siya!
“So, sabi ko, bakit hindi puwedeng i-claim ‘yung Asian Drama King? Ayaw niya kasi ng title. But you see, with or without the title, hindi puwedeng i-refute ‘yun, eh. The pedigree, the body of work,” paliwanag ng TV executive.
Sabi pa ni RSB, “Everytime na may booth ang Philippines na midcon (mid conference) sa France, nakita ko na ‘yung booth ng lahat ng shows ng ABS at ang nasa gitna, Jericho of Magpahanggang Wakas na ang international title ay Sand Castle, kaya siya nasa gitna, siya lang ang kilala ng foreign buyers from the Philippines.
“Ibig sabihin, maraming success sa ABS-CBN, maraming success sa Pilipinas, ibigay lang natin ‘yung honor kung kanino siya due and he has worked so hard for that recognition and for that success.
“So, para sa akin, ayaw man niya, tanggihan man niya, to me, kanyang-kanya ‘yun. One thing a Jericho Rosales starrer will be seen all over the world and that’s a possibility given the track record that he already has,” pagmamalaki pa ni RSB.
Sabay biro ni direk Ruel, “Hayan ha, Jericho Rosales Lifetime Achievement tribute na ito.”
Ang reaksyon naman ni Jericho sa mga papuri sa kanya na halatang hiyang-hiya pa rin, “Marami akong dapat ipagpasalamat pero unahin ko na ‘yung hiya dahil nahihiya ako kina direk Erick (FM) and direk Ruel for this love na ibinibigay nila sa akin, appreciation.
“And hindi ko alam kung bakit, hindi ko alam kung paano. In my end, ginagawa ko lang ang trabaho ko and I need guidance. Lagi nilang ibinibigay sa akin and more than that,” pahayag ng aktor.
Hindi lang si direk Ruel ang nagkuwento tungkol kay Echo, maging si direk FM Reyes ay saludo rin sa aktor, “I’m so privilege to work with Jericho after the last project that we did was Sana’y Wala Nang Wakas.
“Katatapos niya ng Pangako Sa ‘Yo, ‘yun ang sumunod niyang proyekto sa akin and earlier on palang nu’ng nag-Maalaala Mo Kaya, kapapasok palang niya, si direk Ruel ang una niyang naging direktor at headwriter naman ako sa MMK kaya sobra naming nakikita na napakalalim ng pinagkukunan (pinaghuhugutan) ng bata,” ani direk FM.
Nabanggit din ni direk FM Reyes na sobrang dami ng papuring narinig niya sa bagong seryeng Magpahanggang Wakas kaya sobrang takot at kabado siya rito.
Kuwento sa amin ng executive producer ng serye na si Narciso Gulmatico, Jr., sobrang hirap gawin ng Magpahanggang Wakas dahil pilot week palang ay puro pasabog na, “Kaya iisipin mo, ano pang next na mangyayari, parang naipakita na lahat sa una? Kaya abangan n’yo, grabe ito.”
Mapapanood na ang serye sa Set. 19 kung saan makakasama rin sina John Estrada, Liza Lorena, Rita Avila, Danita Paner, Lito Pimentel, Marco Gumabao, Maika Rivera, Justin Cuyugan, Jomari Angeles at Gelli de Belen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.