Patok si Dodson | Bandera

Patok si Dodson

Barry Pascua |June 25,2016
facebook
share this

Patok si Dodson

Barry Pascua - June 25, 2016 - 01:00 AM

SIGURADONG mapupuno ang Robinsons Place Manila mamayang hapon sa pagbisita ng Mixed Martial Arts champion na si John Dodson.

Magsasagawa siya ng exhibition sa octagon na tiyak na kagigiliwan ng mga local fans. Kasama niya sa event ang UFC Octagon girl  na si Red dela Cruz.

Si Dodson ay dumating sa bansa upang i-promote ang ikalawang UFC fight card na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Oktubre 15. Bagamat may apat na buwan pa bago ang event ay nais ng mga organizers na malaman na ng publiko ang magaganap na ito.

Ito ang ikalawang pagkakataon na magsasagawa ng UFC Fight Night sa bansa magmula noong Mayo 2015. Magugunitang itinampok sa unang UFC Fight Night sa Maynila sina Frankie Edgar at Urijah Faber May of last year.

Ang press conference noong Huwebes ay ginanap sa Impressions Restaurant sa Maxims Hotel. At napuno ang event. Kaya naman tuwang-tuwa ang Cignal TV na siyang nagpapalabas ng mga laban ng UFC sa bansa.

Hindi naman sigurado kung magiging bahagi ng UFC Fight Night sa Oktubre si Dodson. Nandito lang muna siya upang i-promote ang event.  Subalit sinabi niya na kung ilalagay siya sa card ay matutuwa siya.

Kasi nga ay gustung-gusto niya na lumaban sa Pilipinas sa harap ng kanyang mga kababayan. Alam niya na parang may homecourt advantage siya dito at tiyak na siya ang kakampihan ng crowd.

Ang ina ng 31-taong gulang na si Dodson ay isang Filipina. Sila ay nakatira sa Albuquerque, New Mexico.
Ani Dodson, ang kanyang ina ang siyang naging inspirasyon niya.

Sa una ay nais sana niyang  maging isang computer engineer. Subalit nang siya ay ma-introduce sa mixed martial arts ay napamahal ito sa kanya. Siya ay isang black belter.

Si Dodson ay kilala sa taguring “The Magician” bunga ng kanyang bilis. Sa kasalukuyan, siya ay may fight record na 19-7-0. Galing siya sa isang knockout na panalo kontra kay Manny Gamburyan sa UFC Fight Night noong Abril. Si Dodson ay ranked No. 2 sa flyweight division.

Nanghihinayang si Dodson dahil sa napakaikli ng kanyang ilalagi sa bansa. Kasi tatlong araw lang ang kanyang pagbisita.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Pero siyempre, na-excite rin siya dahil sa matitikman niya dito mismo sa Pilipinas ang mga pagkaing kinagiliwan niya sa Estados Unidos. Aniya, tinuruan siya ng kanyang ina na magluto at kumain ng adobo.
Sana nga ay maging bahagi ng Fight Card sa Oktubre 15 si Dodson. Tiyak na puputok ang Mall of Asia Arena kapag nagkaganoon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending