Sam Concepcion gaganap bilang Nonito Donaire sa MMK
Ibabahagi ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado ng gabi ang totoong kwento ng buhay ng tinaguriang “The Filipino Flash” na si Nonito Donaire, Jr, isang dating biktima ng bullying na gagampanan ni Sam Concepcion.
Puno ng paghihirap ang kabataan ni Nonito dahil bukod sa madalas na pangungutya sa kanya sa eskwela dahil sa kanyang liit, binubugbog din siya ng kanyang lolo sa tuwing nagkakamali siya.
Nagpatuloy pa ang pambu-bully kay Nonito sa Amerika, kung saan siya dinala ng kanyang ama kasama ng mga kapatid.
Sa kagustuhan ng kanyang ama, nagsimulang mag-training sa boxing si Nonito sa edad na 11 hanggang sa maging professional boxer siya sa edad na 18. Ngunit, nagpasyang tumigil sa pagboboksing si Nonito nang malaman niyang may kalaguyo ang kanyang ama.
Hindi nagtagal ay bumalik rin siya dito sa pamimilit ng kanyang ina. Muling nagbati si Nonito at ang kanyang ama hanggang sa muli ay nagkaroon sila ng hidwaan nang tutulan ng kanyang ama ang relasyon ni Nonito at ni Rachel, ang ang babaeng napili niyang pakasalan.
Paano nga ba nakayanan ni Nonito ang lahat ng mga pagsubok na pinagdaanan niya? Kasama rin sa espesyal na episode na ito ng MMK sina Kyle Banzon, Ian De Leon, Mickey Ferriols, Claire Ruiz, Ken Anderson, Harvey Bautista, Mitch Naco, Gigi Locsin, Ces Aldaba, Niña Dolino at Josh Ford.
Ang episode na ito ay sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng, at sa panulat ni Benson Logronio.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos. Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN ABS-CBN o ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.