Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay | Bandera

Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay

Ervin Santiago |December 01,2015
facebook
share this

Nanay ni Pastillas Girl binaril sa ulo, patay

Ervin Santiago - December 01, 2015 - 03:00 AM

ANGELICA YAP AT MOMMY THERESA HERNANDEZ

ANGELICA YAP AT MOMMY THERESA HERNANDEZ

NAGLULUKSA ngayon ang pamilya ni Angelica Jane Yap na nakilala bilang si Pastillas Girl sa noontime show ng ABS-CBN na It’s Showtime matapos barilin at mapatay ang kanyang ina sa Caloocan City kahapon.

Naisugod pa sa ospital si Maria Theresa Hernandez ngunit agad din itong binawian ng buhay. Nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek malapit sa isang karinderya sa pagitan ng Tagaytay at Cabanatuan Streets sa Barangay 131, Caloocan.
Base sa report, kagagaling lang sa simbahan ng nanay ni Angelica na isang barangay kagawad sa kanilang lugar, kasama ang isa pa nitong anak na babae at isang pamangkin, nang mangyari ang insidente.

Nakunan ng CCTV ang pamamaslang – isang lalaking nakasumbrero, nakasuot ng jacket at puting t-shirt, ang nakitang naglalakad papunta sa kinaroroonan ni Teresa at ilang sandali lang ay binaril na nito sa ulo ang biktima.

Mabilis na tumakas ang salarin patungong A. Bonifacio St. sakay ng kanyang motorsiklo. Agad na isinugod sa Chinese General Hospital si Teresa ng mga sumaklolo kung saan ito nalagutan ng hininga.
Iniimbestigahan na ng otoridad ang krimen at balitang isa sa mga anggulong tinintingnan ng mga imbestigador ay kung may kinalaman ito sa pagiging barangay kagawad ng biktima.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni Angelica sa ginawang pagpatay sa kanyang ina.

Kahapon sa report ng ABS-CBN, nagawa pang sumugod ni Angelica sa ospital kung saan dinala ang ina, galing pa raw ang dalaga sa isang music video shoot sa Bulacan, “Dumiretso na ako dito. Nakita ko na actually, okay pa siya noong dito ako dumating. Nag-stable tapos biglang ganoon. Ayun, nag-iyakan na.”

Nang tanungin kung ano ang sinabi niya sa ina bago ito namatay, “To be honest, (hindi ko alam) kung hihilingin mo na sana lumaban ka or kung nahihirapan siya, bumitiw na. Kasi totoo naman na Diyos lang ang may decision noon. Wala akong ibang nasabi kundi mahal ko siya at sorry.”

Isang kapamilya naman ng biktima ang nagsabi na nakatanggap ang ina ni Angelica ng death threat ilang linggo bago maganap ang pagpaslang. Pagbabanta raw ng nanakot kay Teresa, hindi na raw ito aabutin ng Pasko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending