Haze nasa Palawan na, Metro Manila kasunod na
MATAPOS balutin ang ilang bahagi ng Mindanao at Visayas, kumalat na rin ang haze sa Palawan kaya nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa) na posibleng dumating ito sa Metro Manila.
Sa ulat, sinabi ng Pagasa na hindi naman magiging kasingsama ng nararanasan sa Mindanao, Visayas at Palawan dahil sa madalas napag-uulan na pumipigil sa pagkalat ng alikabok at usok sa hangin.
Kaugnay nito, pinaalahan ng mga otoridad ang mga residente ng mga lugar na apektado ng haze na magsuot ng protective masks upang hindi makalanghap ng usok.
Maaaring magdulot ang haze ng respiratory diseases at sakit sa puso, ayon sa Department of Health.
Kamakailan ay may dalawa katao na naiulat na namatay umano sa nasabing usok subalit kinukumpirma pa ng mga otoridad.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na patuloy na naka-monitor ang pamahalaan sa pagkalat ng haze na mula sa mga nasusunog na kagubatan sa Indonesia.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma na gumagawa na ng hakbang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), Department of Health (DOH) at Department of Transportation and Communications (DOTC), katuwang ang mga lokal na disaster risk reduction management council kaugnay ng posibleng epekto nito.
Ilang mga flight na rin ang nakansela dahil sa haze na bumabalot sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.