HINDI pa man nagsisimula ang filing ng candidacy para sa darating na 2016 presidential elections, mukhang nagsimula na ang bangayan ng mga inaasahang kakandidato sa pagkapangulo.
Huwag nang magtaka kung sa mga darating na araw ay iig-ting pa ang batuhan ng putik ng mga magkakalabang pulitiko hanggang sa dumating ang campaign period.
Tatlo na ang halos tukoy nang tatakbo sa pagkapangulo — sina Vice President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance (UNA), na matagal nang nagdeklara ng kanyang kandidatura; Interior Secretary Mar Roxas ng Liberal Party na kamakailan lang ay hinirang ni Pangulong Aquino na kanyang mamanukin; at si Senador Grace Poe na inaasahang aampunin ng National People’s Coalition (NPC).
Nauna nang umarangkada ang makinarya nina Roxas at Binay. Inaasahang makakasabay si Poe sa sandaling dalhin siya ng NPC bilang presidential candidate nito.
Malinaw na nakalalamang sina Binay at Roxas pagdating sa usaping organisasyon dahil meron silang kanya-kanyang partido na malaki ang makinarya, hindi gaya ni Poe na walang partidong kinaaaniban.
Halos siyam na buwan na lang at halalan na, pero nakalulungkot isipin na sa halip na mga proyekto at batas para sa mahirap ang pinag-uusapan at isinusulong, pakikipagbangayan ang pinagkakaabalahan ng mga pumupormang tumakbo sa pagkapangulo.
Ngayon pa lang, kabi-kabila na ang intrigahan, siraan at pagbatikos ng kanya-kanyang kampo. Si Binay na matagal nang tinatrabaho ay tuluy-tuloy pa ring umaani ng pagbatikos. Si Poe ang sumunod at hindi na rin nakaligtas si Roxas.
Ang isyu sa Makati City Hall Building II ay patuloy na hinahalukay ng Senado. Nitong mga nakaraang araw, nangako si Senador Antonio Trillanes IV na may dalawang panibagong pasabog siya laban kay Binay.
Ang pagiging elitista, mayaman at hindi pagkakaroon ng koneksyon ni Roxas sa mahihirap ang ibinabato sa kanya. Pati ang misis na si Korina Sanchez ay kasama na ring isinasabit sa pulitika.
Ang pagiging ampon ni Poe ang siya namang patuloy na ginagatungan ng mga kalaban niya. May petisyong isinampa sa Senate Electoral Tribunal ang talunang senatorial candidate na si Rizalito David para tuluyang idiskwalipika ang Senadora dahil sa kuwestyunableng citizenship nito.
Nitong nakalipas na araw ay may kumalat pang balita na ang petisyon ay kagagawan diumano ng grupo ni Rep. Edgar Erice na kaanib ng LP. Ito ay para tuluyang umatras si Poe sa pagtakbo sa pagkapangulo at tanggapin na lamang ang alok ng LP na mag-vice president kay Roxas.
Sadyang marumi ang pulitika at ito ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang paghingi ng publiko ng isang malinis, maayos, tapat at may kredibilidad na eleksyon sa bansa.
Ang maruming laro ng pulitika ang siyang sumisira sa ating mga Pilipino. Hindi marunong tumanggap ng hamon at pagkatalo ang marami sa ating mga pulitiko. Marami rin ang sa kanila ang hindi kayang lumaban ng patas, kaya laging magulo ang eleksyon sa bansa.
Nakasalalay sa ating mga botante ang tagumpay ng nalalapit na halalan. Huwag nating bigyang puwang ang maruming pulitika. Magkaisa sana ang lahat para biguin ang mga pulitikong nais na maluklok sa kapangyarihan sa pamamagitan ng maruming pulitika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.