KUNG ang pag-uusapan ay pagiging arogante sa kanyang pwesto, isa na rito si Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Si Cayetano ay sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan kaugnay sa pagpapasara niya ng session hall ng Sangguniang Panglungsod ng Taguig noong 2010, matapos siyang mahalal na mayor.
Ang nagsampa sa kanya ng kaso sa Sandiganbayan ay ang Office of the Ombudsman.
Hindi binigyang bigat ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang paliwanag ni Cayetano na ang pagpapasara niya ng session hall ay dahil sa “reengineering at reorganization plan.”
Dahil nawalan ng mga opisina ang mga konsehal ng bayan, napilitan silang gamitin ang mga maliliit na kuwarto sa city auditorium at ang ilalim ng staircase ng City Hall.
Ginawa namang kawawa ni Cayetano ang mga konsehal ng bayan dahil kalaban niya ang mga ito sa pulitika.
Mayor pa lang yang si Cayetano at kung umasta ay parang diktador gaya ni Ferdinand Marcos, na sinara ang Congress noong martial law.
Ano pa kaya kung tumaas pa ito sa pwesto gaya ng asawa niyang si Sen. Alan Peter Cayetano, at kanyang hipag na si Sen. Pia Cayetano at bayaw na si Congressman Lino Cayetano?
Mabuti kung singtalino si Lani Cayetano ni Marcos at kasing ganda siya ni Imelda Marcos; malayo naman.
Parang ang pagiging arogante ay nasa dugo ng mga Cayetano.
Ang kanyang bayaw na si Congressman Lino ay arogante rin gaya niya.
Noong si Lino ay barangay chairman pa ng Fort Bonifacio, tinangka kong tawagan siya dahil sa reklamo ng isang taxi driver na siya’y binugbog ng mga tauhan ni Cayetano sa loob mismo ng barangay hall.
Dumulog kasi ang taxi driver sa “Isumbong mo kay Tulfo” matapos ang dinanas niyang pang-aapi.
Ayaw makipag-usap sa “Isumbong” si Lino Cayetano.
Magdemanda na lang daw ang taxi driver. At yun nga ang ginawa ng aking programa.
Pero di naman sana hahantong sa demandahan kung si pumayag si Lino Cayetano na kausapin ang taxi driver na naagrabiyado.
Nito lang nagdaang mga araw, dumulog sa amin si Timotea Kakizaki, asawa ng isang Hapon, at inireklamo niya ang panloloko sa kanya ni Atty. Gary Palmero, legal officer ng Taguig City Hall.
Kinunan daw ni Palmero si Kakizaki ng P400,000 upang mapawalang bisa ang kanyang kasal sa Hapon at makasal siya sa isa pa ring Hapon.
Nalaman ni Kakizake na ang kanyang annulment of marriage at saka kasal sa ibang Hapon ay mga peke.
Tinangka naming tawagan si Cayetano upang isumbong ang panloloko ng kanyang mataas na opisyal sa isang ordinaryong mamamayan.
Ayaw kaming kausapin ni Mayor at sinabi niya sa kanyang sekretarya na kausapin na lang daw namin ang kanyang public information officer.
Si Palmero ay isang mataas na opisyal sa Taguig, kaya’t dapat ay si Mayor Cayetano ang didinig ng sumbong laban sa kanya.
Hindi lang yun ang unang pagkakataon na ayaw kaming kausapin ni Cayetano tungkol sa mga diumano’y katiwalian ng kanyang mga tauhan.
Noong isang linggo, dumulog sa amin ang may-ari ng isang construction company upang isumbong ang panghuhuli sa kanyang mga sasakyan ng mga kawani ng Taguig city government.
No, sir, hindi hinuhuli ng mga tauhan ng Public Order and Safety Office ang mga sasakyan ng construction company dahil sa traffic violation.
Hinuhuli ang mga sasakyan na may dalang mga construction materials papuntang Taytay, Rizal dahil dumadaan ang mga ito sa lungsod ng Taguig!
Hinuhuli dahil nakikiraan lamang? Bakit, ibang republika na ba ang Taguig City?
Gaya ng ginawa namin sa kaso ni Kakizaki, tinawagan namin si Mayor Lani pero ayaw ring makipag-usap.
Ganoon ka-arogante ang mga Cayetano ng Taguig.
The late Sen. Rene Cayetano, the patriarch, must be turning in his grave.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.