HINDI mo sinabi kung ilang bote ang iniinom mo. Ayoko namang magtanong kung ilang bote ang kaya mo. Hindi ko kaya ang “ilang bote,” pero nakatitiyak ako na hindi ko kaya ang “ilang bote” ni FPJ. Sa isang kompleanyo ni Erap sa Polk noon, malakas ang boses ni FPJ hawak ang kabubukas na pilsen, kumukumpas pababa ng tila ekis at sinasabi kay Boots na tama na ang pagbubuntis. Buntis noon si Boots.
Hindi ko alam kung bakit hindi na makatayo nang tuwid si FPJ, pero hindi naman siya pabagsak. Mapula na rin ang hasang ni Erap at masaya ang lahat. Ang sabi nina Eli at Banong (si Eli ang entertainment editor ng Bandera noon at si Banong ang number one columnist ni Eli, kaming tatlo, pawang galing sa Jingle), nagsisimula pa lamang ang gabi. Cut! Si Grace ang pinag-uusapan natin.
Wala akong pakialam sa pag-inom ni Llamanzares ng beer. Ikinararangal ko ito (tulad ni Mat Vicencio) dahil nakaharap ko na sa small beer sina Nick Joaquin, Wilfrido Ma. Nolledo, Virgilio Almario, Lamberto Antonio, Rogelio Sicat, Dominador Mirasol, Bayani Abadilla, Ariel Dim. Borlongan, Ben Afuang, Ben Pascual, C.C. Marquez, Ben Esquivel, Efren Abueg, Teo Antonio (minsan), Calixto Fernandez, Butch del Castillo, Estrella Alfon, Antonio Nieva, Tito Saulo, Pat Gonzalez, Neil Cruz, atbp.
Ang aking gustong pakialaman ay ang pagdidiin ni Llamanzares sa adbokasiya (maling balarila, Inglesin na lang, advocacy). Ang advocacy, lalo na ng mga babae, ay hindi drawing. Ipinagmamalaki ko ang advocacy nina Santanina Rasul (Magbasa Kita, at wala pa noong Read-Along ang Inquirer), Gina Lopez (ang pagbuhay sa patay na ilog, na may ipagmamalaking pruweba) at Cynthia Villar (ang pagbibigay trabaho sa mga babae sa Las Pinas at Paranaque). Ang advocacy, maliit man o malaki, ay hindi ginagamit para maghangad ng mataas na puwesto.
Tulong, Korina, tulong. Nahihirapang tanggapin ng mga tricycle boy si Mar Roxas sa Barangay Bagong Silang, Caloocan, ang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas. May 25,000 ang tricycle drivers dito. Pero, paano matutulungan ni Korina si Mar gayung ayaw din ng mga tricycle drivers sa kanya? Langit si Mar, lupa lang ang mga tricycle drivers, na sa kanilang mga terminal ay walang patid ang kuwentuhan ng kasupladuhan, kapalpakan at kamanhiran.
Mali ang basa ni BS Aquino sa SAF 44 (kelan ba siya naging tama?). Kung ang tunay na pulso ay damang-dama ko sa Camp Crame at sa PNPA sa Silang, Cavite, tulad ng aking mga naisulat simula pa noong unang linggo ng Hulyo, mas lalong naglagablab ito ng isa-isang binasa ni Jejomar Binay ang mga pangalan ng pinabayaang mga pulis sa Indang, Cavite. Sa Enero 2016, na panahon na ng kampanya, ang unang anibersaryo ng SAF. Pipigilin ng Malacanang ang paggunita sa buong bansa.
Matagal ko nang naisulat sa kolum na ito ang Kalye Droga sa Tala, Caloocan. At isang Heneral Magalong lang pala ang may bayag na pasukin ito. Pero wala silang nahuling mga operator at kusinero, ang taga-timpla ng shabu. Hindi planado ang raid dahil bukas ang escape routes. May susunod na pagkakataon pa naman. Isama na rin ang Balwarte, sa Bagong Silang (kung kaya mo, Magalong).
Ang buwan ngayon ay “8” na. Wala pa ring plaka at sticker para sa buwan “1.” Wala pa ring lisensiyang plastic. Tulong, Grace, tulong. Iboboto ka ng mga driver at may-ari ng mga sasakyan kapag nagkaroon na sila ng plaka, sticker at lisensiya. Walang hanggang pagdurusa na ang dulot ng LTO sa drivers at car owners. Hindi naisakay sa roro sa Dalahican, Lucena City ang isang kotse dahil wala itong plaka at kulang ang papeles na ibinigay ng LTO San Pablo. Pahirap si Aquino.
MULA sa bayan (0906-5709843): Gumagalaw na ang kampanyador ni Mar Roxas sa Tacurong City. Mananalo si Roxas sa Tacurong kung dadayaain ang eleksyon. …4567
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.