KUNG bakit hanggang ngayon ay libu-libo pa ring mga biktima ng bagyong Yolanda ang nakatira at nagtitiis sa mga evacuation camps at mga barung- barong, ito ay dahil na rin sa kapabayaan ng administrasyon ni Pangulong Aquino.
Kung matatandaan, ang super typhoon Yolanda na humagupit sa Eastern Visayas noong Nobyembre 8, 2013 ay kumitil ng 6,300 na buhay, habang mahigit 1,000 pa ang nawawala.
Sa ngayon, nasa 2,000 survivors ni “Yolanda” ang naghihirap, kapos sa pagkain at ang kanilang kinatitirikang mga barungbarong sa evacuation camps ay walang tubig na maiinom at elektrisidad.
Hindi naging bulag ang United Nations sa masakit na katotohanang ito na magdadalawang taon na matapos ang insidente ay marami pa rin ang hindi nakaka-move on sa malagim na pangyayari.
Nagulat tayo dahil mismong ang UN special rapporteur na si Chaloka Beyani ang nagpasapol na kulang ang tulong na ginagawa ng pamahalaan sa mga biktima.
Pero ang higit na nakabibigla ay ang pagpasok sa eksena nitong si dating Senador Panfilo Lacson na siya ring ginawang rehabilitation czar ni Ginoong Aquino.
Mabilis pa sa kidlat, si-nabi ni Lacson na ang dapat umanong sisihin kaya palpak ang rehabilitation program ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyo ay ang Department of Budget and Management (DBM).
Nakakatawa ang panini-sing ito ni Lacson. Hindi ba’t siya ang rehab czar? Hindi ba’t siya ang hinirang ni Ginoong Aquino bilang secretary ng Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) na siyang titiyak na muling makakabangon ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas?
Mukhang hindi nananalamin itong si Lacson. Sa halip kasi na manisi, bakit hindi niya naisip na siya ang sablay dito. Bakit hindi niya tingnan ang kanyang sarili at tanungin kung meron nga ba siyang nagawa sa Eastern Visayas para sa mga biktima ng bagyo bilang rehab czar.
O baka naman natatakot siya na makita ang pangit na katotohanan: Na wala siyang ginawa.
Walang ginawa si Lacson kundi ang makipag-away noong siya pa ang rehab czar. Matapos na awayin ang tatlong cabinet secretary dahil sa hindi umano pakikipagtulungan sa kanya, inaway din nito si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa pagsasabing makupad ang ginagawa nitong pagtulong sa mga biktima.
Hindi pa nakuntento, ang People Surge, isang alyansa ng mga survivors ng Yolanda ay inaway din ni Lacson kung kaya nga idineklara siya nito bilang “persona non grata” sa Tacloban City at kabuuan ng Eastern Visayas.
Bago manisi at magbato ng pagkukulang itong si Lacson, makita muna sana niya ang kanyang mga pagkukulang at umamin sa kanyang mga pagkakamali. At kapag nagawa niya iyon, siguro mas may karapatan na siyang pumuna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.