ASAL-hayop daw ang ilang mga evacuees sa isang eskuwelahan sa Muntinlupa City na ginawang evacuation center.
Kinokotongan daw ng ilang evacuees ang mga estudyante sa eskuwelahan na yun na di binanggit ang pangalan.
Ninakawan pa raw ang ilang classrooms ng bentilador at ibang mga gamit.
Dahil daw sa nakawan at pangingikil sa mga estudyante, napilitang umupa ang eskuwelahan ng security guard upang protektahan ang mga estudyante at gamit sa mga classrooms.
Ang pinakamasamang ginawa ng ilang evacuees sa eskuwelahan na nabanggit ay yung ginawang kubeta ang ilang classrooms.
No less than Social Welfare Secretary Esperanza Cabral ay nakapagbitaw ng masakit na salita sa mga walanghiyang evacuees.
“Less than human” ang asal ng ibang evacuees sa evacuation center na nabanggit, ibig sabihin “parang hayop.”
Totoo ang sinabing yan ni Cabral. Sinong matinong tao ang gagawing kubeta ang na pinatuloy lamang sila?
Sasabihin n’yo na wala kasing pinag-aralan ang mga gumawa ng kababuyan?
Hindi dapat gawin ang kahirapan o kakulangan ng pag-aaral na dahilan sa mga makahayop na asal.
Kahit na mangmang ay alam kung ano’ng mali o tama, ano ang masama at mabuti.
Di kailangan ng isang tao ang mataas na edukasyon upang malaman kung ang kanyang ginagawa ay mali o tama.
* * *
Maraming tao ang ginagamit ang kanilang kahirapan at kakulangan ng pag-aaral upang gumawa ng mga bagay na nakasasakit sa iba.
At kapag nabuking sila, sasabihin nila na mahirap lang sila at hindi nila alam ang kanilang ginawa dahil wala silang pinag-aralan.
Kalokohan ang rason na yan.
Talagang gusto lang nilang makapanakit sa iba dahil sira-ulo sila.
“Sira-ulo” hindi dahil may kapansanan sila sa utak kundi dahil nasisiyahan sila na makita ang paghihirap ng kapwa dahil sa kanilang ginawa.
* * *
Hindi ko nilalahat, pero may mga ugali tayong Pinoy na di kanais-nais.
Isang masamang ugali ng Pinoy ay ang di pag-alaga ng gamit ng iba.
Iwawasiwas ang isang gamit na di kanya at ang karaniwang sasabihin ay, “Bakit ko pagmamalasakitan ito, di ko naman pag-aari?”
Nakikita natin ang kawalan ng paggalang sa gamit ng iba sa mga taxi drivers.
Ang isang bagong taxi ay nalalaspag agad dahil ang drayber nito na “boundary” ang kita ay walang malasakit sa paggamit nito.
Isang taon pa lang ay laspag na ang bagong taxi.
Isa pang hindi magandang ugali ng Pinoy ay ayaw madamay sa problema ng iba.
Halimbawa, nakakita siya ng krimen at kilala niya ang salarin, hindi titestigo ang Pinoy dahil sa isa sa mga dahilang ito: 1) natatakot, 2) ayaw maabala, 3) hindi niya kamag-anak ang biktima.
Isa pang masamang ugali: Kung ano’ng ginagawa ng iba, gagawin din niya kahit na mali ito.
Kapag nakita niyang umiihi ang iba sa kalsada, gagayahin ng Pinoy, kahit na alam niyang masama ito.
At kung saan pa yung may karatula na “Bawal umihi dito” doon siya iihi.
Napapansin ko ito sa pagsusunod sa batas trapiko: Kapag ang unahang sasakyan ay tumawid sa “red light” ang mga sasakyang nasa likod ay susunod.
Pero teka! Bakit kapag nasa ibang bansa ang Pinoy ay sumusunod siya sa mga batas nito at nagiging model citizen pa siya sa kanyang adopted country?
Dapat siguro ay magkaroon ng pagsusuri sa sarili ang lahat ng Pinoy upang mabago ang kanyang ugali.
Kapag nabago ng Pinoy ang kanyang ugali, uunlad ang ating bansa.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 101109
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.