APAT sa anim na boxers ng Mandaluyong City na lumaban sa finals ang nanalo sa pagtatapos ng 2015 Batang Pinoy Luzon elimination leg noong Miyerkules.
Sa bagong gawang provincial capitol gym sa Guiguinto, Bulacan ginanap ang boxing event at ito ay nilahukan ng 72 batang boxers mula 16 koponan.
Sa kabuuan, ang Mandaluyong ay nakakuha ng apat na ginto, dalawang pilak at isang bronze medal para muling tanghalin bilang top boxing team ng luzon leg.
Tampok na panalo ang naitala ni Remart Gomez na kinuyog ng suntok si Nando Cabalquinto ng Pangasinan para itigil ang laban sa 1:23 ng first round tungo sa ginto sa pinweight division (48kg).
Sina B-Boy Cenita, Nicky Boy Toladive at Glenn Dumam-ag ay pawang nagtala ng una- nimous decision win para magkampeon sa antweight (32kg), minimumweight (34kg) at paperweight (44kg).
Hindi pinalad sina John Carlo Besinga sa light mosquito weight (38-40kg) at Alexis Adrian Abilar sa light flyweight (50kg) matapos silang matalo kina Javigael Gabriel ng Tayabas at Billy Ray Naelgas ng Puerto Princesa City sa final round.
Bukod sa Tayabas ay nagkaroon din ng dalawang ginto ang Camarines Sur, Pangasinan, Puerto Princesa at Laguna para makita na dikitan ang labanan sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang ABAP.
Sina Piolo Villagrasya at Anthony Quintana ng Camsur ay umani ng atensyon nang nakapagrehistro ng technical knockout win kina John Carlo Carretero ng Pangasinan at Harley Ocampo ng Bamban, Tarlac sa light paperweight (42kg) at light pinweight (46kg), ayon sa pagkakasunod.
“Maraming may potensyal pero hindi pa natin masasabi kung puwede sila dahil masusukat ang mga medalists sa Luzon kapag nakaharap na ang mga boxers mula Visayas at Mindanao na mga malalakas din,” wika ni ABAP executive director Ed Picson. —Mike Lee
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.