MAGANDANG umaga po mula rito sa Saudi Arabia.
Nabasa ko po ang column n’yo sa Inquirer/Aksyon Line (Salary Loan Gustong Ayusin).
Pareho po ang aking kaso.
12 years po akong nakapagtrabaho sa PSBANK at nagbayad ng SSS contributions kaso po ay may naiwan akong loan sa SSS noong ako ay nag-resign at magpasyang mag-abroad.
Sobrang busy po at kokonti lang ang time kapag nagbabakasyon sa Pinas, hindi ko po maasikaso ang aking SSS loan. Kahit po ang aking contribution ay natigil.
Maaari ko po bang malaman kung magkano ang aking SSS loan balance? Ano po ba ang proseso kung gusto kong ituloy ang pagbabayad ng contribution?
Salamat po.
Eto po ang aking SSS#0430293335
Glicerio San Diego
Senior Lead Finance
Jeddah, KSA
REPLY: Ito ay tungkol sa inyong e-mail kaugnay sa katanungan ni Glicerio San Diego ng Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia ukol sa pagbabayad niya ng utang sa SSS.
Batay sa aming rekord, nakatanggap si G. San Diego ng salary loan noong Pebrero 21, 2006 na nagkakahalaga ng P24,000. Matapos ang huling bayad niya noong Oktubre 2006 ay hindi na niya nabayaran ang naiwang P18,000 na balanse ng kanyang utang. Bunga nito, nagkaroon ito ng multa na nagkakahalaga ng P23,703.73 at interes na P14,000 kaya ang kabuuang dapat niyang bayaran sa kanyang salary loan ay P55,803. Ang penalty at interes ay patuloy na madadagdagan hangga’t hindi nababayaran nang buo ang utang.
Maaari niyang bayaran ang kanyang naiwang utang sa mga awtorisadong collecting agents sa Jeddah. Awtorisadong kumolekta ng bayad para sa SSS ang mga bangkong accredited ng Philippine National Bank sa Jeddah gaya ng Arab National Bank. Bukod dito, tumatanggap din ng bayad para sa SSS ang mga Ventaja outlet.
Iminumungkahi namin kay G. San Diego na bago siya magpunta sa alinmang awtorisadong collecting agents ng SSS sa Jeddah ay makipag-ugnayan muna siya sa aming foreign branch doon na matatagpuan sa Konsulada ng Pilipinas. Ito ay upang mabigyan siya ng payo sa magiging tuntunin sa pagbabayad ng kanyang utang.
Para sa kanyang kaalaman, maaari rin niyang ipagpatuloy ang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS bilang isang voluntary member o Overseas Filipino worker (OFW). Dapat niyang patuloy na gamitin ang kanyang SSS number sa paghuhulog ng kontribusyon. Makapaghuhulog siya ng kanyang kontribusyon gamit ang Contributions Payment Return o SS form RS-5 at dapat niyang lagyan ng tsek ang kahon para sa voluntary member o OFW. Kapag na-post na ang nasabing hulog, ang kanyang membership status ay magiging voluntary member o OFW mula sa pagiging covered employee.
Ang halaga ng magiging hulog niya sa SSS ay depende sa idedeklara niyang buwanang kita. Maaari niyang gamiting batayan sa kanyang magiging hulog ang SSS contribution table na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph) o sa anumang tanggapan ng SSS. Para sa OFW member, ang pinakamababang buwanang hulog ay P550.
Para sa iba pang detalye at karagdagang katanungan ukol sa SSS, iminumungkahi namin na siya ay makipag-ugnayan sa aming foreign branch sa Jeddah. Narito po ang kumpletong address ng aming Jeddah branch:
Philippine Consulate General P.O. Box 4794, jeddah 21412, Kingdom of Saudi Arabia
Maaari rin siyang tumawag sa Jeddah branch sa mga telepono bilang (9662) 669-6303, 667-0925 at 669-6797, o kaya ay magpadala siya ng mensahe sa [email protected].
Dagdag pa dito, maaari rin siyang makipag-ugnayan sa SSS OFW-Contact Services Unit sa mga telepono bilang (632) 364-7796 at 364-7798 o kaya ay tumawag sa trunkline number na (632) 920-6401 local 6358 at 6359, o kaya ay magpadala ng mensahe sa [email protected].
Sana ay mabigyan po ninyo ng puwang sa inyong pahayagan ang paglilinaw na ito.
Salamat po. Sumasainyo, May Rose DL
Francisco Social Security
Officer IV SSS Media Affairs Department
Noted:
Ma. Luisa P. Sebastian
Department
Manager III
Media Affairs
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.