NASILAYAN ang bilis ni Gianelli Gatinga para pangunahan ang 100m dash bago pinagharian ang paboritong triple jump upang maging kauna-unahang triple gold medalist sa 2015 Batang Pinoy Luzon elimination sa athletics kahapon sa Bulacan Sports Complex sa Malolos, Bulacan.
Nakuha ng natatanging lahok ng Marikina City na si Lierence Sayenga ang kanyang pangalawang gintong medalya habang nagpakilala si Eduard Josh Buenavista nang manalo sa 5,000m event sa pangalawang araw ng multi-sports event na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
Umabot na sa 4,645 ang mga atletang edad 13 hanggang 15 ang nagpatala sa 24 sports at nasa 660 ang kasali sa swimming na magsisimula ngayon.
Naunang naipasok ang katawan sa meta ng 14-anyos na Grade 8 student ng St. Francis of Assisi College sa Taguig City na si Gatenga para talunin si Jessel Lumapas sa kapana-panabik na karera sa century dash. May 13.00.94 oras siya at gabuhok ang kanyang angat kay Lumapas na may 13:00.95 oras.
Lumundag naman si Gatinga sa layong 11.29 metro sa paboritong triple jump para sa ikatlong ginto. Nanalo muna sa long jump noong Sabado, puwede pang maka-apat na ginto si Gatinga dahil kasali siya sa 4x400m relay.
“Ito na po ang pang-apat na Batang Pinoy ko at naisama ko ngayon ang gold sa 100m event,” masayang banggit ng 5-foot-1 na si Gatinga na nanalo rin ng ginto sa idinaos na Palarong Pambansa sa triple jump.
Pagtutuunan niya ang gaganaping National Finals sa Cebu City at umaasa rin na masasama sa delegasyong ipadadala sa ASEAN School Games sa Brunei sa Nobyembre lalo pa’t may balita na masasama sa delegasyon ang mga gold medalist ng Batang Pinoy.
Lumundag si Sayenga sa 6.12m marka para masundan ang panalo sa high jump sa unang araw. Puwede pang makatatlo ang 15-anyos na atleta dahil pasok siya sa finals sa 200m run.
“Hindi po ako masyadong naging active dahil nagkaroon po ng mga problema. Pero ngayon ay naka-focus na ako at umaasa na makasama sa ASEAN meet,” ani ng tubong Concepcion na si Sayenga.
Naorasan naman ng 17:15:00 sa 5000m si Buenavista para ipakita ang kahandaan na sundan ang yapak ng ama at national athlete na si Eduardo Buenavista.
“Ito po ang unang pagsali ko sa Batang Pinoy kaya po masaya ako at naka-gold ako. Idol ko po ang tatay ko at gusto kong sundan siya hanggang sa pagiging isang marathoner,” wika ng 14-anyos, Grade 8 mag-aaral ng University of Baguio.
Malaki ang potential ng batang Buenavista dahil may taas siya na 5-foot-4 at sa idinaos na National PRISAA sa Iloilo ay nakakuha siya ng dalawang ginto sa 3,000m steeplechase at 5,000m event.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.