Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
8 a.m. San Sebastian vs Perpetual Help (jrs)
10 a.m. EAC vs JRU (jrs)
12 n.n. San Sebastian vs Perpetual Help (srs)
2 p.m. EAC vs JRU (srs)
4 p.m. Mapua vs Arellano (srs)
6 p.m. Mapua vs Arellano (jrs)
GUMANA uli ang mga laro nina Kevin Racal, Mark Cruz at Rey Nambatac pero sa huli ay tumulong sina John Paul Calvo at McJour Luib para ipreserba ng Letran ang 93-80 panalo laban sa five-time defending champion San Beda sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Racal bitbit ang 20 puntos, 7 rebounds at 3 assists, si Cruz ay mayroong 16 at si Nambatac ay mayroong 13 puntos at ang huling dalawang manlalaro ay kumulekta ng anim na triples.
Ngunit na-foul out si Nambatac sa huling 4:57 ng labanan habang inilabas si Cruz sa huling 3:11 dahil sa pulikat sa kanang binti.
Sa puntong ito ay mainit na ang Red Lions at ang matikas na 67-46 kalamangan ay napababa na sa anim, 76-70.
Pero pumukol si Calvo ng triple sa sumunod na play at kahit napababa pa ang bentahe sa lima, 81-76, sina Luib, Racal at Calvo ang mga nagtulong para sa huling 12 puntos ng Knights upang makatabla sa liderato ang pahingang Perpetual Help sa 3-0 baraha.
Naipamalas din ng Knights ang matinding pressure defense para hiritan ang Red Lions ng 22 turnovers tungo sa unang pagkatalo matapos ang dalawang matitinding panalo.
Sa first half nakadisgrasya ang depensa dahil may 12 errors ang Red Lions para sa 19-2 turnover points pabor sa Knights tungo sa 52-33 bentahe sa halftime.
“Pinaghandaan namin ang mag-pressure. Nakatulong pa ang magandang offensive execution namin,” wika ni Knights rookie coach Aldin Ayo.
May 20 puntos si Ola Adeogun, 12 rito sa huling yugto ginawa. Si Arthur dela Cruz ay mayroong 18 puntos, 14 rebounds, 8 assists at 4 blocks habang si Baser Amer ay may 10 puntos.
Ngunit ang batikang guard na si Amer ay inilabas sa kalagitnaan ng second period at hindi na ibinalik dahil nabangga ni Nambatac ang kanang balikat na na-injured bago nagsimula ang liga.
Sinandalan naman ng Lyceum ang tibay ng dibdib ni Shaq Alanes para bigyan ng unang panalo ang bagong head coach nitong Topex Robinson sa 72-69 panalo sa St. Benilde sa unang laro.
Naipasok ni Alanes ang go-ahead triple, 70-69, bago ginawa niyang tatlo ang kalamangan ng Pirates sa huling 1.2 segundo sa pagsalpak ng dalawang free throws tungo sa 1-2 karta.
Tumapos si Alanes bitbit ang 18 puntos para ipalasap din sa Blazers ang ikatlong pagkatalo sa apat na laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.