Si Rizal, si Bagatsing at ang kalabaw | Bandera

Si Rizal, si Bagatsing at ang kalabaw

Editoryal - July 07, 2015 - 02:24 PM

HANGGANG ngayon, mainit at patuloy pa ring pinag-uusapan ang isyu ng Torre De Manila, ang tinaguriang Pambansang Photobomber ng monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta Park.
Ang Torre De Manila, isang matayog na condominium, na ngayon ay patuloy na kinukondena dahil sa sagabal ito at sumisira sa tanawin ng bantayog ng Pambansang Bayani.
At habang patuloy sa pagtaas ang ginagawang gusali, sunod-sunod din naman ang kilos-protesta ng mamamayan laban sa konstruksyon.
Bunga nang lumalakas na pagtutol ng publiko, ang Knights of Rizal ay nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para patigilin ang DMCI, ang developer ng Torre De Manila.
Nag-atas na rin ang National Commission on Culture and the Arts ng cease and desist order laban sa DMCI.
Hindi na rin nagbingi-bingihan ang Korte Suprema at noong Hunyo 16 naglabas ito ng Temporary Restraining Order laban sa DMCI.
Ang kautusang ito ng Korte ay itinuring na tagumpay ng mga tumututol laban sa tinaguriang Pambansang Photobomber. Magkagayon man, patuloy pa rin ang debate sa usapin kung dapat bang ituloy ang konstruksyon ng Torre De Manila o gibain na dapat ito.
Nagsasala-salabat at nagsasalimbayan na rin ang kanya-kanyng kuro-kuro hinggil sa isyu; at maging ang mga politiko ay panay na rin ang pagsawsaw rito.
Pero ang higit na bumulaga sa kamalayan ng taumbayan ay nang pumasok sa eksena itong si Manila Rep. Amado Bagatsing. Dahil sa hindi matigil na debate sa Torre De Manila, nagmamagaling na iminungkahi ng kongresista na ipihit na lang mismo ang monumento ni Rizal. Italikod na lang daw ito sa Manila Bay at paharapin ito sa lungsod ng Maynila na halos kaharap ng Torre De Manila.
Sa halip na itigil ang konstruksyon o kaya ay tuluyang ipagiba ang gusali, ang napagdiskitahan nitong nagma-magaling na kongresista ay ang nananahimik na bantayog ng Pambansang Bayani.
Paliwanag pa ni Bagatsing, tila traydor si Rizal dahil nakatalikod ito sa Maynila at ginusto pang humarap sa dagat. At talagang seryoso pa sa kanyang mungkahi si Bagat-sing, at buong tapang na sinabi na maigi pa raw ang kalabaw na nakatayo malapit sa Grand Stand ay matikas na nakaharap sa lungsod ng Maynila at hindi sa Manila Bay.
At para patunayan ni Bagatsing na seryoso siya sa kanyang pahayag, layunin niyang magpasa ng isang panukalang batas para mag-“about face” si Rizal.
Marami ang nagulat sa mungkahing ito ni Bagatsing. Hindi malaman kung saan humuhugot ng ideya ang kongresista mula sa ika-limang distrito ng Maynila.

Terible ang suhestyong ito ni Bagatsing. Nabaligtad na ang pangyayari – ang bantayog na ni Rizal ang may kasalanan ngayon. Ang monumento na ang kailangan mag-adjust para lang matuloy ang konstruksyon ng Pambansang Photobomber.
Hindi kaya baligtad ang pag-iisip nang nag-isip nito?

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending