Baka makarma ka, Ombudsman Morales | Bandera

Baka makarma ka, Ombudsman Morales

Ramon Tulfo - July 04, 2015 - 03:00 AM

UUNGKATIN na naman natin ang Pestano murder case dahil isa sa mga nasasakdal, si Navy Commander Rey Lopez, ay sumulat sa akin ng liham.

Ang kaso ay nag-ugat sa pagkamatay ni Ensign Phillip Pestano noong Sept. 27, 1995 sa BRP Bacolod City.

Si Lopez at siyam niyang kapwa opisyal ng Navy at mga enlisted men ay pinaghihinalaan na nagkutsaba upang patayin si Pestano.

Ang liham ni Lopez ay punong-puno ng hinanakit.

“Bakit may masamang nangyayari sa mga mabubuting tao?”

Ito ang bungad ng liham sa akin ni Lopez na miyembro ng Class 1992 ng Philippine Military Academy (PMA).

Naniniwala ang in-yong lingkod na si Lopez at ang kanyang mga kasamahan ay walang kasalanan.

Kung babasahin ninyo ng buo ang sulat ni Lopez, baka mawalan ka ng paggalang kay dating Sen. Aquilino “Nene” Pimentel Jr.

Sinabi ni Lopez sa sulat sa akin na nakipagkita siya sa ama ni Phillip, na si Felipe o Don Pepe, noong November, 2012 sa Via Mare Restaurant sa Diliman, Quezon City.

Ang matandang Pestano ay big-time contractor ng Philippine Navy.

Ang umayos ng meeting nina Lopez at ng matanda ay si police Supt. Arthur Bisnar (PMA Class 1990).

Dumating si Bisnar, kasama si Atty. Jonas Imperial (PMA Class 1991) at dating Senador Pimentel Jr. kasama si Don Pepe sa restoran.

Habang kumakain sila, sinabi diumano ni Don Pepe, “Rey, alam kong ikaw ay walang kasalanan.”

Sinabi diumano ni Lopez na “Kung ganoon, bakit po ninyo kinasuhan kami?”

“Hindi ako ang nagkaso sa inyo, ang Ombudsman ang nagsampa ng kaso,” sabi raw ni Don Pepe.

Sinabi raw ni Lopez, isang very religious Protestant, “Ang inyo pong pangalan at signature ang lumabas sa complaint sheet.”

Hindi raw nakasagot si Don Pepe.

Sa katahimikan, pumasok daw si Pimentel, “Ganyan talaga pag may kaso, may nadadamay.”

“Nagalit ako sa iresponsableng tinurang yun ng dating senador at sasagot sana ako pero sinenyasan ako ni Superintendent Bisnar, na nakaupo sa aking harapan, na tumahimik na lang ako,” sabi ni Lopez.

Sinabi raw ni Pimentel sa kanya na kapag siya’y nakipagtulungan sa mga Pestano at baguhin ang kanyang affidavit at pirmahan ang prepared statement na dala nila, siya’y hindi madadamay sa kaso.

Sinabi ni Lopez na ibig ni Pimentel na gumawa siya ng istorya laban sa kanyang mga shipmates na sila’y nagkutsaba upang patayin si Phillip.

Hindi niya tinanggap ang alok ni Pimentel, ani Lopez.

Ilang buwan matapos ang tagpuang yun, si Lopez at ang kanyang mga kasamahan ay naisyuhan ng warrant of arrest at ikinulong.

Ang murder ay walang bail kaya’t nakakulong sila habang dinidinig ang kanilang kaso.

Dalawang taon na sila na nakakulong.

Alam kong babalikan ni Pimentel, na isang batikang abogado, dahil sa column na ito.

Pero pinaglalaban ko ang hustisya para sa mga taong walang kasalanan.

Ang isang journalist na gaya ko ay pinalalabas ang katotohanan.

In her heart of hearts, Ombudsman Conchita Carpio Morales knows that Lopez and his co-accused are innocent.

Maaaring siya’y na-pressure lang. Maaaring galit lang siya sa pinalitan niyang Ombudsman na si Merceditas Gutierrez.

Pero bakit pinaiiral ni Morales ang personal na galit niya kay Gutierrez at ibinunton ang galit niya sa mga akusado.

Sina Lopez kasi ay pinawalang sala ni Gutierrez, pero inungkat ang kaso ni Morales.

Baka gabaan (makarma) ka sa ginawa mo, Ombudsman Morales!

Kahit na ang forensics expert na inupahan ng mga Pestano na tumestigo laban sa mga akusado ay bumaligtad at sinabing si Phillip ay nagpakamatay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ano pa ang mas hihigit pa sa testimonya ng isang expert na mismong inupahan ng mga Pestano, pero nagsasabi na walang kasalanan ang mga akusado?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending