NAGHATID ng all-around game si Arthur dela Cruz habang apat na iba pa ay nakitaan din ng magandang kontribusyon para buksan ng San Beda ang paghahangad sa ikaanim na sunod na kampeonato sa 102-89 tagumpay laban sa Mapua sa 91st NCAA men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang 6-foot-4 na si Dela Cruz, na isa sa anim na Red Lions na mamamaalam matapos ang season, ay may 27 puntos, 17 rebounds at 6 assists pero naroroon ang suporta nina Pieerre Tankoua, Ranbill Tongco, Ryusei Koga at Micolo Solera na naghatid ng 18, 18, 16 at 11 puntos upang makapagdomina ang Bedans kahit wala sina Ola Adeogun at Baser Amer.
“It doesn’t matter who’s our number one player. It’s all about the number one to number 15 player. Anybody in this team can deliver,” wika ni rookie San Beda coach Jamike Jarin.
Si Tankoua, na isang 6-foot-5 Cameroonian center, ay naghatid pa ng walong rebounds tulad ni Solera, habang sina Tongco at Koga ang umako sa pitong triples ng koponan at may siyam na assists upang punuan ng mga ito ang di paglalaro nina Adeogun at Amer bunga ng mga injuries.
Sa first half pa lamang ay matindi na ang laro nina Dela Cruz, Koga at sophomore Tongco nang nagsanib sila sa 39 puntos at mas mataas ito ng isang puntos sa naitala ng Cardinals para sa 49-38 bentahe.
Nagbago ang laro ng Cardinals sa ikatlong yugto at sa pagtutulungan nina Andrettu Stevens, Justin Serrabi at dayuhang 6-foot-9 Allwell Oraeme ay naitabla nila ang laro sa 62-all.
Ngunit ibinalik nina Dela Cruz at Sorela ang tikas ng Red Lions nang paghatian ang siyam sa 11-3 palitan upang lumayo ang San Beda sa 73-63 iskor.
Hindi na nagpabaya pa ang Red Lions at nahirapan na ang Cardinals nang na-foul out si Oraeme sa huling anim na minuto sa labanan.
Ang nagbabalik mula sa dalawang taong pagkawala na si Josan Nimes ay mayroong 23 puntos, 17 sa first half, habang si Oraeme ay mayroong 13 puntos, 16 rebounds, 4 blocks at dalawang assists para pawiin kahit paano ang limang errors.
Magarang pagbubukas din ang ginawa ng Jose Rizal University sa inangking 78-61 panalo sa Arellano sa ikalawang laro.
Sa ikalawa at ikatlong yugto lumabas ang mga bomba ng JRU para ma-outscore ang Chiefs, 47-22, para ang 19-all sa unang yugto ay maging 66-41 bentahe.
Ang baguhang si Abdoul Aylagnigni ay mayroong 23 puntos at 11 board para ipakita ang bagong arsenal ng Heavy Bombers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.