Ronny Ricketts, 4 na iba pa kinasuhan
Sinampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan kahapon si Optical Media Board chairman Ronald ‘Ronnie’ Ricketts at apat na iba pa kaugnay ng pagbabalik umano sa mga nakumpiskang piniratang DVD at CD.
Bukod kay Ricketts kinasuhan din ng Office of the Ombudsman sina OMB executive director Cyrus Paul Valenzuela, Enforcement and Inspection Division head Manuel Mangubat, investigation agent Joseph Arnaldo, at computer operator Glenn Perez.
Inirekomenda ng prosekusyon ang P30,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng bawat akusado.
Niraid ng OMB ang Sky High Marketing Corp., sa Quiapo, Manila noong Mayo 27, 2010 at nakakumpiska ng maraming piniratang produkto.
Pero pinayagan umano ng mga akusado na kunin ng Sky High ang mga nakumpiskang pekeng produkto makalipas ang ilang oras.
Ang trak umano ng Sky High ay binigyan ng pass upang makalabas sa compound ng OMB sa Scout Limbaga St., Quezon City.
Sinabi ng Ombudsman na mahalaga ang mga piniratang CD at DVD dahil magsisilbi sana itong ebidensya laban sa Sky High.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.