KUMALAS na si Vice President Jojo Binay sa Gabinete ni Pangulong Noynoy.
Bakit tinagalan pa niya samantalang mabaho na ang turing sa kanya ng ibang miyembro ng Gabinete at ni P-Noynoy mismo?
Dapat noon ay nakaramdam na siya.
O baka naman nagpa-patay-malisya si Binay dahil akala niya ay siya ang iendorso ni P-Noy?
Ang kapal naman ng mukha niya!
Kahit na siya’y nahaharap sa mga kasong plunder at graft, tumaas pa ang approval rating ni Binay sa 58 percent nitong buwan, kumpara sa 42 percent noong Marso.
Ang kanyang trust rating ay tumaas din sa 57 percent sa nasabing buwan, kumpara sa 42 percent noong Marso.
Baka naman ang mga nakapanayam ng Pulse Asia, ang nagsagawa ng survey, ay mga maling respondents.
Baka yung napagtanungan ng Pulse Asia ay yung mga respondents na hindi nagbabasa ng diaryo o nanunood ng TV network news o mga balita sa radyo.
Kapag ganoon ang
ating mga botante, huwag tayong magtaka na hindi umaasenso ang ating bansa.
Hanggang ngayon ay nasa lusak ang ating ekonomiya kumpara sa
ating mga kalapit-bansa gaya ng Malaysia, Indonesia , Taiwan at Singapore .
Ang mga ipinadadala nating mga babae upang mamasukan sa ibang bansa ay ginagawang prostitutes o di kaya ay mga alipin.
Ganoon kababa ang pagtingin sa ating ng ibang bansa.
Sinabi ni Deputy Customs Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa na may sariling lingwahe ang mga taga Bureau of Customs sa pakikipag-ugnayan sa publiko.
Halimbawa, sabi ni Dellosa, ang ibig sabihin katagang “tara” ay lagay ng mga smugglers sa mga taga Customs.
Pero alam ba ni Dellosa na kasama ang kanyang sariling mga tauhan sa tara o lagayan sa Customs?
Magtanung-tanong siya sa ibang mga taga Customs—siyempre, sikreto lang—at masa-shock siya na marami sa kanyang mga sariling tauhan na dinala niya sa galing sa labas ay kasama sa tara.
Kailangan daw ng pirma nina Senate President Frank Drilon at Justice Secretary Leila de Lima bago mapasailalim ang whistleblower na si Rhodora Alvarez sa Witness Protection Program o WPP.
Kailangan ang pirma ni Drilon dahil nilantad ni Alvarez ang P1.26 billion na “bulok” na transaksyon ng Department of National Defense (DND) sa pagbili ng mga scraps upang gawing 21 combat helicopters.
Kailangan din ang pirma ni De Lima dahil siya’y may supervision sa WPP.
Nasa abroad daw ang dalawang opisyal.
Dapat ay dalian nilang bumalik sa Pilipinas dahil lubhang nanganganib ang buhay ni Alvarez.
Dinamay niya ang mga matataas na opisyal ng DND at Philippine Air Force. Kabilang na rito sina Defense Secretary Voltaire Gazmin na tumanggap umano ng 7 percent ng P1.26 billion at si Undersecretary Fernando Manalo na tumanggap diumano ng 5 percent.
Nanghihinayang ang mga nakakaalam sa negosasyon sa pagitan ni Ramon Ang at ng mga may-ari ng GMA Network Inc. upang siya ay makakuha ng 30 porsyento ng kumpanya.
Bigla na lang tinigil ang negosasyon ng mga may-ari ng GMA sa president at CEO ng San Miguel Corp.
Nagtaka pa nga si Ang sa biglaang pag-atras ng mga pamilya Gozon, Duavit at Jimenez.
Ang totoo niyan, sinabi sa akin ni RSA, ang tawag ng mga kaibigan ni Ang sa kanya, ang gustong mangyari ng mga Gozon, Duavit at Jimenez ay kunin niya ang 90 porsiyento ng kumpanya, o 60 percent more dahil nakuha na niya ang 30 percent.
Inilahad sa inyong lingkod ni RSA ang kanyang mga magagandang plano sa network na, kung natuloy, ay maaaring maging No. 1 na ito sa halip na pumapangalawa lang sa ABS-CBN.
Anyway, ang failed talks ay malaking kawalan ng GMA at hindi kay Ang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.