Freddie Aguilar napatawad na si Maegan pero ayaw nang makasama sa isang bahay
Sapat nang napatawad na lang ni Freddie Aguilar ang kanyang alibughang anak na si Maegan. Maligaya siya na makikita muli ang kanyang mga apo.
Pero ayon sa mga musikerong nakausap namin ay hanggang du’n na lang ang magagawa ni Ka Freddie, hindi na siya sasang-ayon sa gustong mangyaring pagbabalik ni Maegan sa kanyang bahay, nangyari na ang nangyari at ayaw na niyang maulit pa ‘yun.
Mabait ang misis ng music icon, payag si Jovie na bumalik sa kanilang bahay si Maegan at ang mga anak nito, pero si Ka Freddie na ang may ayaw.
Kuwento ng aming source, “Kung nagawa kasi ni Maegan ang pang-aalipusta sa kanila, lalo na kay Ka Freddie, e, kaya pa uli niyang gawin ‘yun.
“The height naman kasi ang ginawa ng babaeng ‘yun sa tatay niya, sobra niyang sinaktan, pati ang career ni Ka Freddie, e, ibinagsak niya nang todo.
“Mabait pa nga ang tatay niya, e. Kung ibang ama lang si Ka Freddie, matatagalan pa bago siya matanggap sa tindi ng kabastusang ginawa niya sa magulang niya,” madiing kuwento ng aming kausap.
Palibhasa’y nagisnan na nila ang mga anak ni Ka Freddie, kilalang-kilala na ng mga musikero ang magkakapatid nu’n pa man pala ay may kaangasan na si Maegan.
“Siya talaga ang problem child ni Ka Freddie, pasaway siya, palaging nanunulis ang nguso sa pagsimangot. “Pero okey na ring natapos na ang problema nila. Pero hanggang du’n na lang ‘yun,” pagtatapos ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.