Pokwang nagkadyowa ng Amerikanong aktor: Nakuha sa insenso, sa manika, tsaka karayom!
Anong programa kaya sa TV5 ang tinutukoy ng aming source na kasama ang boyfriend ni Pokwang na si Lee O’Brian na kailangan nitong tapusin bago umalis ng Pilipinas.
Sa Setyembre pa raw babalik ng Amerika ang nobyo ng komedyana dahil kailangan nitong tapusin ang tapings ng sitcom na kasama siya kaya masaya rin si Pokwang dahil nandito pa si Lee sa kaarawan niya sa Agosto.
Hindi mapaghiwalay sina Lee at Pokie dahil maski saan pumunta ang isa sa Nathaniel cast ay kasama ang Amerikanong aktor.
Katulad sa nakaraang Open Kitchen: The Best Kept Recipes of the Stars noong Sabado sa UP Town Center ay present si Lee at maski na may ibang kasama o kausap ang komedyana ay hindi naman naiilang ang foreign actor dahil sanay na nga ito sa sistema ng showbiz.
Hindi rin asiwa si Lee sa pakikipag biruan sa entertainment press na maski hindi niya naiintindihan ang ilang Tagalog words ay nakikitawa na rin siya. Sabi nga ni Pokwang sobrang bait at down to earth talaga ang BF niya.
Sa tanong kung kailan naging opisyal na mag-dyowa sina Pokwang at Lee, “January, ‘yung medyo nagkaroon ng linaw, pero ‘yung nagkaroon talaga ng liwanag, February,” say sa amin.
Pansin naming sobrang saya talaga ngayon ng komedyana kaya tinanong namin kung na-foresee niyang magkaka-boyfriend pa siya pagkalipas ng 17 taon? “Hindi ko naisip, hindi rin ako nag-expect, pero nanalangin naman ako, so heto.”
“May kasamang dasal ‘yun, saka insenso, saka manika, karayom, choz!” tumatawang hirit pa ng aktres. Sumesenyas kami kay Pokwang kung anong plano nilang dalawa (kasal), “Tanungin mo na lang siya (Lee),” sabay tawa nito.
Noong summer pa raw dumating si Lee sa bansa at sa Setyembre pa raw babalik ng Amerika at aminadong sa bahay niya nakikituloy ang nobyo.
At tungkol sa kasal, “Hindi pa napag-usapan para walang pressure. Enjoy lang. Pero siyempre, looking forward naman. Pero dapat, pinaghahandaan, hindi basta-basta.”
At ang nagustuhan niya kay Lee, “Mabait siya, eh. Saka magaling makisama. Ang nakakatawa, mas marami pa siyang alam sa history ng Pilipinas kaysa sa akin.”
Maganda rin daw ang relasyon ni Lee sa kanyang anak na si Ria Mae, “Okay na okay sila ng anak ko.” Paano kung yayain siya ni Lee na sa Amerika na manirahan, “Kung nakahanda na siya, kung handa siya sa magiging future namin.
Pero bakit naman ako pupunta na iiwanan ko ‘yung trabaho ko, na iri-risk ko (kung hindi pa ready)?” paliwanag ni Pokwang.E, kung si Lee na lang ang manatili sa Pilipinas, “Ako, okay lang kung ano ang desisyon niya.
Basta ngayon, gusto ko munang mapatapos ang anak ko, makapagtayo ng negosyo, ‘yung next, bahala na.” Samantala, grabe ang hiyawan ng tao nang tawagin si Pokwang sa stage para bumati at magpasalamat sa mga bumili ng famous laing niya at suka sa Open Kitchen: The Best Kept Recipes of the Stars. Aling Beth na nga ang tawag sa kanya ng mga tao, na siyang papel niya sa seryeng Nathaniel sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.