Dati’y puro ang kaguwapuhan lang ni Mark Neumann ang napapansin ng mga kaibigan naming becki. Madalas nilang sabihin na kanin na lang ang kulang dahil may ulam na sila.
Palaging ganu’n. Kasi nga ay napakaguwapo ng young actor, sa unang tingin mo pa lang kay Mark ay artistahin na talaga ang kanyang dating, lutang na lutang ang kanyang kakisigan na kinakambalan pa ng matipunong katawan.
‘Yun ang dating impresyon ng mga ito kay Mark, pero ngayon ay mas tumaas na ang lebel ng kanilang paghanga sa guwapong aktor, may kakambal nang paghanga ‘yun sa kanyang pagganap sa Baker King ng TV5 na pinagbibidahan niya.
Sabi ni Roel Caba of The Philippines, “Dati, plain and simple guwapo lang siya sa paningin ko. Ganu’n lang kasimple. Guwapo lang siya, tapos.
“Pero alam n’yo bang tumututok na rin ako ngayon sa Baker King? Nu’ng una, e, wala lang, basta makapanood lang, ganu’n lang ang dating sa akin ng Korean novela.
“Pero mula nu’ng masubaybayan ko na ang series, teka lang muna, ano ito? Ayoko nang pinalalampas ang Baker King, gabi-gabi na talaga akong tumututok, ang ganda-ganda pala ng istorya nu’n?” kuwento ng aming kaibigan-anak-anakan.
Masayang-masaya ang buong produksiyon ng Baker King sa pamumuno ni Direk Mac Alejandre dahil maingay na maingay nang pinagkukuwentuhan kahit saan ang unang Filipino adaptation ng Korean novela.
Magagaling naman kasi ang kanilang mga artista, epektibo ang kasalbahihan ni Jackielou Blanco, pati ang pailalim na katrayduran ni Yul Servo sa kuwento, hindi mo rin mapalalampas ang husay sa pagganap nina Raymond Bagatsing, Diana Zubiri, Ms. Boots Anson-Roa, Akihiro Blanco, Ian de Leon, Allan Paule, Shaira Mae, Joonee Gamboa at marami pang ibang piling-piling artista ng Baker King.
Mula sa epektibong pagganap ng batang Tak-Gu na si Nourish Icon Lapuz ay itinutuloy ngayon ni Mark Neumann ang kuwento ng Baker King. Nakatiyempo ang TV5 sa seryeng ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.