Mga Laro Bukas
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs Alaska Milk
7 p.m. Blackwater vs Purefoods Star
PINALAKAS ng Purefoods Star Hotshots ang tsansang makapasok sa quarterfinal round ng 2015 PBA Governors’ Cup matapos durugin ang Barako Bull Energy, 117-89, sa kanilang laro kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sinandalan ng Purefoods Star ang mainit na panimula para tuluyang tambakan at ipalasap sa Barako Bull ang ikaapat na diretsong pagkatalo.
Pinamunuan ni Marqus Blakely ang balanseng opensa ng Hotshots sa kinamadang conference-high na 33 puntos na nilakipan pa niya ng walong rebounds.
May apat na iba pang Hotshots ang umiskor ng double figures at ito ay sina James Yap (17 puntos), Peter June Simon (15), Alex Mallari (11) at Allein Maliksi (10).
Ang Hotshots ay kasalukuyang nasa ikaanim na puwesto at malaki na ang tsansa nilang makasungkit ng quarterfinals spot.
Kung sakaling magwagi ang Purefoods Star sa Blackwater, na susundan ng pagkatalo ng Globalport sa Alaska bukas, ang Hotshots ay makakatabla ang Batang Pier at Energy sa ikaapat na puwesto sa 6-5 kartada. Ang nasabing pagtatabla ay mareresolba naman sa pamamagitan ng PBA quotient at ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals ay posibleng mahablot ng Hotshots.
Ang Barako Bull ay nakatikim naman ng ikaapat na sunod na kabiguan matapos itala ang all-time franchise-best na 6-1 panimula.
May pag-asa pa ang Energy na makapasok sa top four na may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round subalit nakasalalay ito kung magagawang talunin ng Blackwater ang Purefoods Star bukas.
Si Liam McMorrow ay nagtapos na may 23 puntos at 12 rebounds para sa Barako Bull. Si JC Intal ay nag-ambag ng 14 puntos habang sina Nico Salva at Dylan Ababou ay may tig-11 puntos para sa Energy.
Sa ikalawang laro, nagawang makabangon ng Rain or Shine Elasto Painters buhat sa malaking kalamangan para talunin ang Meralco Bolts, 96-89.
Bunga ng panalo, nakubra ng Rain or Shine ang ikaanim na sunod na panalo at ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Si Wendell McKines ay gumawa ng 26 puntos at 12 rebounds para pangunahan ang Elasto Painters na nagtapos sa ikatlong puwesto sa tangang 7-4 kartada. Si Jeff Chan ay umiskor ng 14 puntos, si Paul Lee ay nagdagdag ng 12 puntos at si Jireh Ibanes ay nag-ambag ng 10 puntos para sa Rain or Shine.
Pinamunuan ni Andre Emmett ang Bolts sa kinamadang 33 puntos.
Si Gary David ay nagdagdag ng 14 puntos habang si Jared Dillinger ay nag-ambag ng 12 puntos para sa Meralco na nahulog sa 5-5 karta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.