Enchong Dee naglakad nang hubad, hiyang-hiya sa katawan
INAMIN ni Enchong Dee na hiyang-hiya siya nang mag-topless siya sa Wansapanataym Presents My Kung Fu Chinito habang naglalakad sa kahabaan ng isang kalsada.
Ito raw ang isa sa mga eksena sa nasabing programa na hinding-hindi niya makakalimutan.
Nahihiya raw kasi si Enchong sa katawan niya nu’ng kinukunan ang nasabing eksena dahil hindi raw siya masyadong nadyi-dym noon.
“Paiba-iba po kasi (katawan ko), kasi nu’ng naghubad ako doon, busog ako, kaya hindi maganda. Pag gutom po ako, saka lang maganda,” kuwento ng aktor.
Inamin naman ng binata na matagal na niyang pangarap na maging superhero kaya nang ibigay sa kanya ang My Kung Fu Chinito ay tuwang-tuwa siya, bukod pa ito ang unang TV project niya na masasabing siya ang title role.
“Matagal ko nang gustong gumawa ng superhero project kaso wala pang ibinibigay, ‘yung Lastikman noon akala ko magiging superhero na ako, pero hindi naman ako ang bida, isa lang ako sa cast.
“Gusto ko kasing maalala ako ng tao kaya gusto kong gumanap na superhero at maski na sariling atin ang My Kung Fu Chinito, hindi sana ito malimutan ng tao, sana magbigay ng marka sa kanila,” katwiran ng aktor.
Napuri naman si Enchong ng kanilang direktor na si Erick Salud sa kanyang fight scenes dahil madali raw siyang matuto kasi nga malambot ang katawan niya.
Samantala, nagpapasalamat si Enchong at natapos na ang taping nila ng My Kung Fu Chinito dahil ibubuhos naman daw niya ang kanyang atensyon sa nalalapit niyang “Dee Tour” concert sa Music Museum sa Hulyo 3.
Pawang big stars ang mga panauhin ng aktor dito tulad nina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Gerald Anderson, Rayver Cruz, Enrique Gil, Julia Barretto, Erich Gonzales at marami pang iba.
“Sobra akong hands on sa concert na ito, ipapakita ko lahat ang kaya kong gawin,” pangako ng aktor.
At dahil sa sobrang busy ni Enchong ay bihira na silang magkita ng girlfriend niyang si Samantha pero natutuwa ang aktor dahil sobrang supportive ng dalaga sa kanya.
“Nagpapasalamat ako kasi sobra siyang supportive sa lahat, dinalaw nga niya ako one time sa taping (ng Wansapanataym) pati sa concert, tapos alam niya na as of today may gagawin pa akong isa pang soap (drama), parang naiintindihan niya na kapag bumalik ako sa telebisyon alam niyang magiging super busy na ako,” sabi pa ng chinitong boyfriend ni Sam.
Humirit kami na tiyak na naiintidihan ni Samantha ang trabaho niya dahil para naman sa future nila ang kanyang mga ginagawa.
“Yes, siguro nga, alam mo ‘yan? Ganu’n naman talaga di ba, isipin mo lagi ang future kasi hindi mo naman iisipin ‘yung just for today,” natawang sagot ng aktor sabay titig sa amin.
Si Sam na ba ang pakakasalan niya, “Wag naman kasal agad, masyadong maaga pa ang kasal-kasal. Sobrang nae-enjoy muna namin kung anong meron kami, sana parati kaming ganito,” katwiran ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.