Isabelle kinawawa agad ng Netizens dahil lang sa isang Instagram post
KAWAWA naman si Isabelle Daza. Dahil lang sa isang maikling caption sa kanyang Instagram ay talagang inulan agad siya ng batikos.
Ang tinutukoy namin ay ang caption na inilagay ni Isabelle sa isang selfie photo na ipinost niya sa kanyang IG account kung saan kasama ang kaibigan niyang fashion blogger na si Martine Cajucom. Kuha ito sa isang beach resort sa Siquijor.
Ang caption kasi ni Belle sa nasabing larawan ay, “We’re here to insta! Lol #siquiwhores #dumagetiton.” At dahil dito, nag-react ang followers ng Kapamilya actress at nagsabing napaka-insensitive naman daw ng anak ni Gloria Diaz.
Hindi nila nagustuhan ang paggamit ni Isabelle sa hashtag na #siquiwhores na pinagsamang “Siquijor” at “whore” (na ang ibig sabihin ay pokpok o prostitute).
Para sa isang celebrity daw na nakapag-aral naman sa magandang eskwelahan at galing sa nirerespetong pamilya, hindi ito katanggap-tanggap.
May nabasa naman kaming mga komento na hindi raw maganda para sa Siquijor na ikabit ang salitang “whore” sa nasabing probinsiya dahil negatibo at may kabastusan nga ang ibig sabihin nito.
Bukod sa followers ni Isabelle sa IG, nakita rin namin ang naging reaction ng Kapamilya TV host-comedian na si Luis Manzano na nag-post ng isang “shocked emoticon”, ibig sabihin nagulat din ito sa hashtag na ginamit ni Belle.
Natawa lang si Bianca Gonzalez at iba pang showbiz followers ni Isabelle sa kanyang IG message.Ayon naman sa isang netizen, “I think there’s always a choice to choose words appropriately or inappkropriately.
People who chooses to live in such a public eye, unfortunately has pressure in that field. I personally think it doesn’t matter if you a re a celebrity or ordinary person. #wordplay or not integrity is always a choice.”
Anyway, sigurado naman kami na walang masamang intensyon si Isabelle sa kanyang IG message. Wala rin naman siyang ibang taong binanggit sa kanyang post.
At agree rin kami sa ilang netizens na nagtanggol kay Belle, marahil ay talagang nag-enjoy lang ang dalaga nang bonggang-bongga sa kanilang bakasyon at hindi na namalayan na offensive na ang binibitiwan niyang salita.
Kilala si Isabelle na walang arte at diretsong tao, kaya naniniwala kami na hindi niya talaga gustong makasakit o maka-offend ng ibang tao.
Pero kung kami si Belle, ano ba naman yung mag-sorry sa lahat ng mga bumatikos sa kanya – alam n’yo naman ang mga Pinoy mas minamahal nila ang mga artisang mapagkumbaba.
Speaking of Belle, in fairness naman sa dalaga, napakalaki na ng improvement sa kanyang acting ngayon, ha! Napapanood ko ang ilang mga eksena niya sa Primetime Bida series ng ABS-CBN na Nathaniel, lalo na ang mga confrontation scene nila ni Gerald Anderson, at masasabi naming aktres na nga ang dalaga.
Kontrabida ang role ni Belle sa serye, pero hindi pa rin siya yung tipo na kamumuhian ng viewers na halos isumpa na dahil sa kanyang kasamaan. Hindi tulad ng gumaganap na nanay ni Gerald sa kuwento na si Coney Reyes – na talagang abot-impiyerno ang pagiging kontrabida. Ha-hahaha!
Kumbaga, saktong-sakto lang ang akting ng dalaga bilang isang babaeng naghihiganti sa mga taong kalaban ng kanyang pamilya. Nakipagrelasyon siya sa karakter ni Gerald dahil may balak siyang masama.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ngayong linggo, abangan kung paano magbabago ang buhay ng pamilya ni Pokwang ngayong nakipagkasundo na siya kay Coney Reyes.
Nagdesisyon na kasi itong pumasok sa alok na magandang buhay ng kumpanya ni AVL. May pag-asa pa kayang magkabalikan sina Gerald (Paul) at Shaina Magdayao (Rachel) ngayong inamin na nilang hindi pa rin sila nakaka-move on sa kanilang paghihiwalay.
At siyempre, tuloy pa rin ang labanan ng kampon ng kadiliman at ng pwersa ng kabutihan.Abangan ang napakarami pang misyon na gagawin ni Nathaniel (Marco Masa) sa lupa para maibalik ang pananampalataya ng mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay. In fairness, patok na patok talaga ito sa mga bagets, ha!
Kasama pa rin sa Nathaniel sina Jason Gainza, Sharlene San Pedro, Jairus Aquino, Ogie Diaz, Yesha Camille at marami pang iba Ito’y sa direksiyon nina Darnel Joy Villaflor, Francis Pasion at Manny Palo, sa ilalim ng Dreamscape Entertainment TV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.