Dalawang pagsabog ang naitala sa bulkang Bulusan sa Sorsogon kahapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Naganap ito alas-11:02 at 11:20 ng umaga. Ang mga ito ay sanhi ng steam na naipon sa bukana ng bulkan.
Ang unang pagsabog ay tumagal ng 10 minuto at lumikha ng isang kilometrong taas na usok at abo na pumunta sa direksyon ng kanluran-timog kanluran.
Sinabayan ito ng malakas na dagundong na narinig ng mga residente sa bayan ng Cogon, Irosin.
Mas maliit naman ang sumunod na pagsabog na tumagal lamang ng isang minuto.
Ipinaalala ng Phivolcs na nananatili ang Alert Level 1 sa Bulusan kaya ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone.
“This indicates that hydrothermal processes is underway beneath the volcano that may lead to more steam-driven eruptions,” saad ng advisory ng Phivolcs.
Pinayuhan din ang mga piloto na huwag lumapit sa bukana ng bulkan at binabalaan ang mga residente na nakatira sa mga ilog na maghanda para sa pagragasa ng lahar kung magkakaroon ng malakas na pag-ulan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.