NGAYONG papalapit na ang 2016 presidential elections, buhay na buhay na naman ang mga politikong tinaguriang epal. Sila ang mga politikong sinasabing magulang at switik.
Hindi pa man din campaign period, abalang-abala na ang mga epal na ito sa kanilang propaganda at pagpapakilala. Sila ang mga politikong gustong makalamang sa mga kandidatong kanilang makakalaban sa darating na halalan.
Mga epal!
Nagmula ang salitang epal sa salitang papel. Sumikat ito sa kalye; sa grupo ng mga tambay na nagkakasiyahan at nagpapayabangan. Ang isang tao para sumikat ay papapel o magyayabang kahit hindi naman kailangan.
Ngayon, epal din ang tawag sa mga politikong mapapel na walang ginawa kundi magpapansin o magpapogi sa publiko na kung minsan ang ginagamit ay pera ng bayan.
Ang mga politikong epal ay silang mga taong gusto palaging sila ang bida. Mahilig umeksena, gusto laging pinag-uusapan at gusto laging nasa sentro ng atensyon.
At marami ang sa kanila ngayon ang naglipana na kahit malayo pa ang eleksyon – sila ang mga ambisyoso at ambisyosa na nagbabalak na tumakbo sa darating na halalan.
Epal ang mga sumusunod:
Vice President Jojo Binay
Senador Ferdinand
“Bongbong” Marcos
Senador Alan Peter Cayetano
Davao City
Mayor Rodrigo Duterte
Energy Secretary
Jericho Petilla
Dating Senador
Panfilo Lacson
Tesda chief Joel Villanueva
MMDA Chairman
Francis Tolentino
Health Secretary
Janet Garin
Hindi pa ba sapat ang sunod-sunod na TV commercial na milyon-milyong piso ang halaga para sabihing epal ang mga politikong ito?
Halatang isang uri ng premature campaigning ang kanilang ginagawa pero dahil katuwiran na hindi pa naman sila nagpa-file ng kanilang certificate of candidacy kaya nakalulusot sila sa batas.
Gusto ba ninyo ang ganitong mga uri ng opisyal ng gobyerno, mga magulang at switik? Ang mga politikong ito ay dapat na parusahan sa darating na halalan.
Tama ang sinabi ni Commission on Elections Chair Andres Bautista na dapat magkaisa ang lahat na huwag iboto ang mga epal sa darating na eleksyon.
Ang lahat ng poll watchdog at ibang pang samahan ay makatutulong sa pagsasagawa ng information campaign laban sa mga epal na ito at ibunyag ang tunay na motibo ng kanilang ginagawang political ads.
Maging sa mga lokal na distrito, ang mga epal na pulitiko ay aktibo at malaganap din. Kailangan din ibandera ang mga epal na ito para hindi iboto ng taumbayan.
Ngayon pa lang ang mga tarpaulin, streamer, billboards, t-shirt at ibang pang gimik ay malaganap na sa mga barangay.
Kailangang maging matalino ang mga botante. Hindi kailangang magpabola sa pamamagitan ng mga political ads at iba pang gimik ang bawat botante.
Ang kinabukasan ng bayan ay nasa kamay mo na isang matalinong botante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.