Kings, Hotshots puntirya ang ika-2 sunod na panalo
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Globalport vs Barako Bull
5:15 p.m. Star Hotshots vs Barangay Ginebra
IKALAWANG sunod na panalo ang pakay ngayon ng Barangay Ginebra at defending champion Star Hotshots sa kanilang pagtutuuos sa 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon, patatatagin ng Barako Bull ang kapit nito sa unang puwesto sa salpukan nila ng Globalport.
Ang Gin Kings ay nasa ikapitong puwesto at may 3-4 record matapos na maungusan ang Globalport sa overtime, 111-108, noong Miyerkules.
Ang Hotshots ay galing sa isang linggong pahinga matapos na talunin ang KIA, 89-80, sa kanilang out-of-town game sa Angeles University Foundation gym dalawang Sabado na ang nakalilipas. Mayroon silang 2-4 karta at nasa ikasiyam na puwesto.
Sa ilalim ng tournament format, ang ikasiyam hanggang ika-12 puwestong koponan sa pagtatapos ng elims ay tuluyang malalaglag. Ang top four teams ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Ang Barangay Ginebra ay pinangungunahan ni Orlando Johnson na gumawa ng 34 puntos laban sa Globalport.
Laban sa Batang Pier ay nagparada ng bagong Asian reinforcement ang Gin Kings sa katauhan ng Koreanong si Jiwan Kim na humalili sa Mongolian na si Sanchir Tungalag Nagtala si Kim ng 11 puntos sa kanyang unang laro.
Malaking tulong para sa Gin Kings si Japeth Aguilar na nakagawa na ng tatlong double-double buhat nang magbalik buhat sa injury.
Ang iba pang inaasahan ni Ginebra coach Frankie Lim ay sina Gregory Slaughter, Mark Caguioa, LA Tenorio at Jayjay Helterbrand.
Ang Star Hotshots ay pinamumunuan ng dating Best Import na si Marqus Blakely na tinutulungan nina James Yap, Marc Pingris Mark Barroca, Joe Devance at Peter June Simon.
Matapos na mapatid ang four-game winning streak nang matalo sa San Miguel Beer, 116-113, ibinunton ng Barako Bull ang galit nito sa Rain or Shine, 112-103, upang manatili sa itaas.
Main man ng Energy ang import na si Liam McMorrow na sinusuportahan nina Joseph Yeo, JC Ital, Dylan Ababou, RR Garcia at Rico Maierhofer.
Ang mga imports ng Globalport ay sina Jarrid Famous at Omar Krayem na tinutulungan nina Terrence Romeo, Stanley Pringle, Keith Jensen at Billy Mamaril.
Samantala, tinalo ng Rain or Shine ang Talk ‘N Text, 88-73, sa kanilang laro kahapon sa University of St. La Salle Gym sa Bacolod City, Negros Occidental.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.