Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
1 p.m. Hapee vs Jumbo Plastic
3 p.m. AMA vs Cagayan
PUWESTO sa semifinals ang nakataya sa Hapee at Cagayan Valley sa pagsisimula ng 2015 PBA D-League Foundation Cup quarterfinals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Katipan ng Fresh Fighters ang Jumbo Plastic Giants sa ganap na ala-1 ng hapon bago sundan ng bakbakan ng Rising Suns at AMA University Titans dakong alas-3 ng hapon.
Nalagay ang Cagayan Valley at Hapee sa ikatlo at ikaapat na puwesto para magkaroon ng twice-to-beat advantage. Sakaling manalo ang Giants at Titans, ang sudden-death ay itinakda sa Huwebes.
Ang Cebuana Lhuillier at Café France na tumapos sa unang dalawang puwesto sa elims ay nakapuwesto na sa Final Four.
Natalo ang Hapee sa Jumbo Plastic, 61-64, ngunit asahan ang maalab na laro upang makausad na at magkaroon ng sapat na panahon para makapaghanda sa semifinals dahil mawawalan sila ng mga key players.
Hindi na makakasama si Bobby Ray Parks Jr. na nasa Estados Unidos para magbaka-sakali na makapasok sa NBA, aalis din sina Troy Rosario, Baser Amer at Earl Scottie Thompson dahil maglalaro sila sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
“Magiging mas mahirap ang laban namin kaya talagang kailangang mapaghandaan ito,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Sa panig ng Giants ay idinagdag nila si Jiovani Jalalon at Khazim Mirza para tumibay pa ang kanilang laban.
Nangibabaw ang Cagayan sa AMA,75-70, upang pataasin pa ang morale ng koponan na naglalaro ng walang head coach matapos ang lifetime ban kay Alvin Pua bunga ng pagsuntok sa referee.
Naipakita ng Rising Suns na hindi sila apektado ng nangyari matapos ng 102-95 panalo sa Gems sa pagtatapos ng elims noong nakaraang Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.