Gelli sa Janice-Gerald affair: Aba, may asim pa si Sis!
“KONTING respeto naman para kay Janice de Belen!”
Ito ang pakiusap ni Gelli de Belen sa gitna ng patuloy na chika tungkol sa diumano’y relasyon ng kanyang sisteraka sa Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson.
Ayaw pa rin kasing tumigil ang tsismis na si Janice ang dahilan ng break-up nina Gerald at Maja Salvador. “I found it so unfair to my sister,” dugtong pa ni Gelli nang makausap ng ilang entertainment writers sa press launch ng bagong Sunday noontime variety show ng TV5, ang Happy Truck Ng Bayan.
Pero biro naman ni Gelli, “In another light, aba, may asim pa si Sis, ‘di ba? But come to think of it, it’s really unfair na isinali siya du’n. I found it so malicious for somebody like Janice de Belen na isali sa ganu’n.”
Nag-usap ba sila ni Janice tungkol dito, o nag-usisa ba siya sa kanyang ate? “Alam kong wala, hindi ko na tinanong. I know that they are close. Pero ‘yung issue, siya ang dahilan? Ang taray! Wala na ‘kong masabi! Parang, ‘Ano ba?!’
“Respetuhin niyo naman si Janice de Belen sa lahat ng pinagdaanan niya. Pero on a lighter note nga, may asim pa ang ate ko! Pero that’s not how we should see it.
“Ano ba kayo, wala na ba kayong maisip, ‘di ba? Kanino ba nanggaling ‘yun? Kaloka, ‘no!” tuluy-tuloy na sey pa ni Gelli.Pero paano nga kung biglang ma-in love si Janice sa tulad ni Gerald? “Sa lahat ng pinagdaanan ng kapatid ko, hindi na ako masa-shock.
Pero kailangan lang, kung sinuman ang mamahalin niya, totoong mamahalin siya. “At mamahalin ang mga anak niya. ‘Yun lang. Kung saan magiging maligaya si Janice, kung saan magiging maayos ang buhay niya, go!” pahayag pa ng Kapatid TV host-actress.
Samantala, kung ang ilang anak ni Janice ay nag-aartista na rin ngayon, posible bang mapanood na rin sa TV ang mga anak nila ni Ariel Rivera na sina Julio at Joaquin na nagbibinata na rin? “Wala silang hilig, e,” maikling sagot ni Gelli.
Pero aminado ang misis ni Ariel na may mga issues na rin ang mga anak nila dahil nga mga binata na, “Siyempre, nandiyan na ang mga issues na, binata na. May mga ka-text, pero wala pa namang girlfriend.”
“Pero hindi ko naman siyempre sila mapipigilan. Pero ang ina-advice ko sa kanila, please take it slow. Ganoon talaga, e. Wala naman akong magagawa,” aniya pa.
Anyway, excited na si Gelli sa pagsisimula ng kanilang noontime variety show na Happy Truck Ng Bayan sa TV5 na eere na sa darating na June 14, Sunday.
Makakasama niya rito bilang main hosts sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Derek Ramsay at Mariel Rodriguez. Ka-join din ang makukulit na komedyanteng sina Tuesday Vargas, Empoy Marquez at Kim Idol, plus the hottest youngstars of TV5 na sina Mark Neumann and Shaira Mae na mapapanood din gabi-gabi sa Pinoy version ng Koreanovelang Baker King, ang Artista Academy grand winners and real life sweethearts na sina Vin Abrenica and Sophie Albert, Akihiro Blanco, at ang fresh na fresh na Next Gen Sexbomb Dancers.
Napakaraming segments and games ang inihanda ng buong tropa sa pagsisimula ng Happy Truck Ng Bayan sa June 14 at ang bongga rito, hindi na kayo magpapagod na pumila para lang makasali sa mga pakulo at gimik ng programa dahil mismong ang buong barkada ang pupunta sa inyong mga barangay!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.