KUNG susundin agad ng Office of the Ombudsman ang rekomendasyon ng Senate blue ribbon subcommittee na sampahan ng kasong plunder ang mag-amang Binay, si Vice President Jojo at Makati Mayor Junjun ay magkakampanya sa loob ng kanilang selda.
Nirekomenda ng subcommittee ang kasong plunder laban sa mga Binay, sampu ng kanilang diumano’y mga kakutsaba, dahil sa “very clearly overpriced” na presyo ng pagpapatayo ng Makati City Hall Building II: P2.2 bilyon.
Ang rekomendasyon ay ginawa ng Senate subcommittee matapos ang 21 hearings sa diumano’y gross overpricing.
Ang plunder o mala-kihang pandarambong ay isang non-bailable offense o walang piyansa, kaya’t ang mag-amang Binay ay aasa sa kanilang campaign managers o mga masugid na supporters na kakampanya para sa kanila.
Si Jojo ay inaasahang tatakbo sa pagkapangulo samantalang si Junjun ay tatakbo ng reelection.
Ang pagsasampa ng plunder laban sa mga Binay at pangangampanya nila habang sila’y nakakulong ay haka-haka lamang ng inyong lingkod.
Mangyayari ang nasabing scenario kapag si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay magsasampa ng plunder sa Sandiganbayan base sa mga ebidensiya at testimonya na nakalap ng Senate subcommittee.
Ang scenario ay mangyayari lamang kapag ang Sandiganbayan ay hindi pinigil ng Supreme Court sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) base sa petisyon ng mag-amang Binay.
Hindi dumalo kahit isang beses sa mga hearings ng subcommittee si Vice President Binay dahil, anya, ang mga ito’y may bahid ng pulitika.
Itong si Mayor Junjun naman ay dumalo lamang ng isang beses pero hindi na dumalo sa ibang hearing hanggang ito’y pinilit ng Senado na dumalo at kung hindi, siya’y ikukulong.
Baka naiba ang takbo ng hangin—baka hindi gumawa ng rekomendasyon ang Senate subcommittee na sampahan ng plunder ang mga Binay—kung nagpakumbaba lang sila at sinagot nila sa komite ang mga alegasyon na sila’y kumita sa P2.2 billion na pagpapatayo ng Makati City Hall Building II.
Ang mag-amang Binay ay parang sumusu-nod sa yapak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kapag sila’y nakulong habang dinidinig ang kanilang kaso.
Si Marcos ay nakakulong habang nagre-review para sa Bar examinations at naging topnotcher siya sa 1939 Bar exams.
Nasentensiyahan si Marcos sa akusasyong murder sa pagpatay ng kalaban ng kanyang ama sa pulitika.
Inapela niya ang kanyang conviction at siya’y pinawalang-sala ng Supreme Court.
Sa kabilang dako, ang mga Binay ay manliligaw ng mga botante sa loob ng kanilang selda kung sila’y sinampahan ng plunder bago dumating ang 2016 national elections.
Pero ang comparison sa mga Binay at Marcos ay nagtapos doon.
Si Marcos, na kinamumuhian ni Binay, ay sinampahan ng murder at pinawalang-sala ng Korte Suprema dahil maliwanag na siya’y walang sala.
Ang mga Binay, sa kabilang dako, ay sasampahan ng plunder na mabigat ang mga ebidensiya.
Kung ang mga ebidensiya at testimonya sa Senate blue ribbon subcommittee ang pagbabasehan, mabubulok ang mga Binay sa bilangguan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.