PINASAYA ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia ang pambansang delegasyon na tutulak patungong Singapore para lumahok sa Southeast Asian Games nang ianunsyo ang bagong patakaran sa pagbibigay ng allowances.
Mainit na palakpakan mula sa pambansang atleta at coaches ang isinalubong nang inianunsyo ni Garcia ang $500 allowance na ibibigay ng PSC sa bawat kasapi na ipinaalam sa send-off ceremony kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Let me take this opportunity to announce that our athletes and coaches will be receiving $500,” wika ni Garcia.
Idinagdag pa ni Garcia na lahat ng mananalo ay tatanggap din ng P40,000 buwanang sahod sa loob ng dalawang taon bukod sa makukuhang P100,000 gantimpala mula sa Incentives Act.
Dati ay $300 lamang ang ibinibigay sa mga manlalaro sa SEA Games at ang di inaasahang increase ang nagbigay buhay sa seremonya na hindi dinaluhan ng mga opisyal mula sa Malacañang.
Ginagawa ang increase para itaas ang morale ng mga manlalaro na magtatangkang ibangon ang Pilipinas mula sa ikapitong puwestong pagtatapos sa Myanmar noong 2013.
Sa kanyang pananalita, sinabi naman ni POC president Jose “Peping” Cojuangco Jr. ang pagnanais na makita ang lahat ng lalaban na ibigay ang lahat ng makakaya para maipakita sa lahat na palaban ang atletang Pinoy kahit salat sa mga makabagong pasilidad at suporta sa pamahalaan.
Nasa 466 ang bilang ng atleta na lalahok sa 35 mula sa 36 sports disciplines na paglalabanan sa 28th SEA Games mula Hunyo 5 hanggang 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.