SINORPRESA ng ninth seed at Fide Master Mari Joseph Turqueza ang ibang mas pinaboran nang pangunahan ang 2015 National Chess Championship Men’s Open division semifinals na nagtapos noong Biyernes ng gabi sa PSC Athletes Dining Hall.
Ang 22-anyos at third year mag-aaral ng San Sebastian College sa kursong psychology na si Turqueza ay nagkaroon ng 7.5 puntos matapos ang siyam na rounds para makatabla kay NM Roel Abelgas.
Ngunit mas mataas ang kanyang tiebreak score para kunin ang unang puwesto at upuan sa 2015 Battle of the Grandmasters na gagawin sa Setyembre.
“Ngayon lang po ako na makakasali sa Battle of the Grandmasters kaya’t talagang masaya ako sa naabot ko,” wika ni Turqueza, na noong 2013 ay tinulungan ang Stags sa NCAA chess.
Umabot sa 67 ang sumali at pumangatlo si IM Haridas Pascua tangan ang 7.0 puntos habang sina NM Jerad Docena at IM Joel Pimentel ay nakontento sa ikaapat at ikalimang puwesto sa magkatulad na 6.5 puntos.
Ginawa ang kompetisyong inorganisa ng National Chess Federation Philippines (NCFP) mula Mayo 18 hanggang 22, nanggulat din si Brena Mae Membrere na kinilalang kampeon sa kababaihan.
May anim na panalo at dalawang tabla ang fourth seed na si Membrere at kasama sa kanyang tinalo si second seed WFM Marie Antoinette San Diego para makaangat ito kahit nagtabla ang dalawa sa unang puwesto sa tig-7.0 puntos.
Si Judith Pineda ang pumangatlo sa 6.5 puntos habang sina Adelaide Joie Lim at Enrica Villa ang pumang-apat at pumang-limang puwesto sa natipong 6.0 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.