Drone na natagpuan sa NAIA; gawa pala ng isang binatilyo
NATAGPUAN ang isang nasirang drone noong Linggo ng umaga malapit sa runway ng Ninoy Aquino International Airport sa kabila ng ipinapatupad na 10-kilometer radius na no-fly zone sa NAIA.
Lumalabas na ang unmanned aircraft vehicle (UAV) ay gawa ng isang 16-na-taong-gulang na estudyante na nawala naman tatlong linggo na ang nakakaraan matapos niya itong tangkaing paliparin.
Natagpuan ng airport groundskeeper na si Homer Asuncion ang UAV sa mga damuhan sa dulo ng runway malapit sa Naia terminal 2 ganap na alas-10 ng umaga noong Linggo.
Sa isang ulat sa Manila International Airport Authority (Miaa), sinabi ni airport ground operations and safety division officer-in-charge Reynaldo Lontoc na rumesponde ang mga opisyal sa isang ulat hinggil sa isang foreign object debris o FOD na kung saan narekober nila ang isang drone.
Ibinigay ang UAV na may sirang propeller sa Naia Intelligence and Investigation Division (IID), kung saan sinamahan ng kanyang nanay ang may-ari ng drone.
Sinabi ng 16-na-taong-gulang na lalaki na pinalipad niya ang drone noong Abril 27 sa labas ng kanilang bahay sa Merville Subdivision sa Paranaque City.
“I did not mean it to fly so far,” sabi ng takot na binatilyo.
Ayon naman sa nanay ng binatilyo, pinayuhan niya ang anak na huwag papaliparin ang drone.
“I’ve been reminding him constantly but he got too excited after putting in a new part and disobeyed me,” aniya.
Aniya, tatlong taon nang binubuo ng kanyang anak ang kanyang sariling UAV.
Idinagdag ng nanay na noong Abril 27, iniulat ng kanyang anak na nawala niya ang kanyang drone.
“He has been asking around the subdivision and on the internet for it since. We were really praying that it did not do anybody any harm,” sabi ng nanay.
Nahaharap sa multang mula P300,000 hanggang P500,000 ang mga hindi otorisadong magpalipad.
Bagamat wala namang plano na kasuhan ang binatilyo dahil sa pagiging menor-de-edad, nagdesisyon naman ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ito na ang mag-iimbestiga sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.