Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo City)
4:15 p.m. NLEX vs Kia
7 p.m. Talk ‘N Text vs Alaska
WINAKASAN ng San Miguel Beer ang three-game winning streak ng Globalport matapos tambakan ng Beermen ang Batang Pier, 124-102, sa kanilang 2015 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagsanib puwersa sina San Miguel Beer import Arizona Reid at Marcio Lassiter para gumawa ng 35 sa 41 puntos na iniskor ng Beermen sa ikatlong yugto para tuluyang iwanan at tambakan ang Globalport ng 29 puntos, 102-73, patungo sa huling yugto.
Kumana si Reid ng 41 puntos mula sa 16-for-28 field goals kabilang ang 9 of 11 3-pointers para pamunuan ang San Miguel Beer na mayroon na ngayong 2-2 karta.
Si Marcio Lassiter ay nagdagdag ng 24 puntos habang sina Chris Ross at Alex Cabagnot ay nag-ambag ng 17 at 12 puntos. Sina Terrence Romeo at Steve Thomas ay kapwa kumamada ng 21 puntos para pangunahan ang Globalport na nahulog sa 3-1 kartada.
Sa ikalawang laro, nakalusot ang Meralco Bolts sa Purefoods Star Hotshots, 83-81. Si Andre Emmett ay nagtala ng 37 puntos, 15 rebounds, anim na assists at limang steals para pangunahan ang Meralco na umangat sa 2-2 record.
Sina Seiya Ando, Cliff Hodge at Danny Ildefonso ay nag-ambag ng tig-11 puntos para sa Bolts. Si Marqus Blakely ay umiskor ng 20 puntos para manguna sa Hotshots na nalaglag sa 1-2 karta.
Samantala, pipilitin ng Alaska Aces na mahablot ang ikaapat na sunod na panalo na magbibigay dito ng solo liderato sa pagharap nila sa Talk ‘N Text Tropang Texters ngayong gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang Aces at Tropang Texters ay magtutuos sa main game ganap na alas-7 ng gabi matapos ang sagupaan sa pagitan ng NLEX Road Warriors at Kia Carnival sa opening game dakong alas-4:15 ng hapon.
Ang Talk ‘N Text ay hangad na makabangon buhat sa 95-91 kabiguan na pinalasap ng Barangay Ginebra Kings at masungkit ang ikalawang panalo.
Ang NLEX at Kia ay pareho namang mag-uunahan sa ikalawang panalo sa paghaharap nila ngayon.
Manggagaling ang Road Warriors sa 91-84 pagwawagi laban sa Bolts at asam nilang manalo uli para itabla ang kanilang kartada sa 2-2.
Ang Carnival ay magmumula sa 105-98 pagkatalo sa Kings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.