HINDI na pababalikin ng gobyerno ang mga squatters na nakatira sa gilid ng mga ilog, sapa, estero at canal kahit na humupa na ang baha sa kanilang mga tinitirahan. Tama lang! Hindi ako galit sa mga squatters dahil galing din ako sa mahirap noong araw. Sa totoo lang, mga squatters ang sanhi ng pagbaha sa Metro Manila at karatig lugar dahil itinatapon nila ang kanilang mga basura sa mga daanan ng tubig at sa mga drainage canals. Ginawa nilang kubeta at basurahan ang mga ilog, sapa, estero at canal. Tumaas ang tubig sa mga waterway at drainage dahil binarahan ang mga ito ng basura, lalong-lalo na yung mga plastic. Kitang-kita ang mga basura na itinapon sa mga waterway dahil paghupa ng baha, nakasabit ang mga ito sa mga punongkahoy, sa electric post at wires kung saan umabot ang tubig-baha.
* * *
Of course, hindi lang mga squatters ang dapat sisihin sa pagbaha. Ang matatakaw na land developers na ginawang subdivision ang mga gilid ng bundok, at mga taong pumutol ng punongkahoy sa kabundukan. Ang Antipolo, na hindi binabaha dahil ito’y mataas na lugar, ay biktima ng baha sanhi ng Ondoy dahil kalbo na ang mga bundok sa paligid nito. Ang mga ugat ng punongkahoy sa gubat ang nagsisipsip ng tubig-ulan kaya’t napipigil ang pagbaha. Kapag wala nang mga punongkahoy sa gilid ng kabundukan, nagkakaroon ng baha o landslide kapag umulan nang matindi.
* * *
Dapat paalalahanan ang taumbayan na kapag inabuso nila ang Kalikasan, binabalikan nito ang tao. Nakita natin ito sa pagbaha sa Ormoc City noong 1991 kung saan libu-libong tao ang nalunod sa pagragasa ng tubig-baha galing sa kabundukan. Nakita natin ang paghiganti ng Kalikasan sa Guinsaungon, Southern Leyte, kung saan nagkaroon ng malaking landslide na naglibing ng daan-daang katao. Ang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lugar ay paghiganti ng Kalikasan sa pang-aabuso ng tao sa kanya. Huwag na nating hintayin na maghiganti uli ang Kalikasan sa atin. Iwasan na natin na magtapon ng basura sa ating mga ilog, sapa at canal, at pumutol ng mga punongkahoy sa ating kagubatan.
* * *
Kahapon, may inilabas ang INQUIRER, sister publication ng Bandera, kung ano ang mga dapat gawin ng isang Good Samaritan sa pagbibigay ng relief goods sa mga biktima ng Ondoy. Ang payo ng inyong lingkod: Huwag na ninyong sarilinin ang pagbibigay ng mga relief goods sa mga biktima. Ipaubaya na ninyo sa mga ahensiya gaya ng Red Cross, Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa mga charitable institutions gaya ng Caritas. Baka mapahamak lang kayo kapag kayo mismo ang nag-distribute ng relief goods. Ang aking kaibigan na may ginintuang puso ay namigay sa mga flood victims sa isang lugar sa Rizal. Yung mga tao na hindi niya nabigyan dahil naubos agad ang kanyang mga relief goods ay nagalit sa kanya. Isa sa mga hindi nabigyan ay muntik na siyang sinaksak.
* * *
Makabubuti pang huwag nang gawin ng ABS-CBN na ang mag-distribute ng relief goods ay kanilang mga talents, gaya ni Kris Aquino, at mga artista. Baka dumugin sila at mapahamak lang ang mga ito. Siyempre, sa dami ng tao, di malalaman ng mga artista kung sinong mga manyakis na maglalamas at manghihipo ng kanilang mga kuwan. ABS-CBN, itigil na ang kaetsusan! Hindi showbiz ang pagbibigay ng relief goods.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 100609
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.