Pilipinas tumapos sa ika-7 puwesto sa Asian U23 volley championship
MAGARANG pagtatapos ang nangyari sa Pilipinas nang talunin ang Iran, 25-15, 25-21, 26-24, sa pagtatapos ng Rebisco 1st Asian Women’s U-23 Volleyball Championship kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Gumana ang atake at maganda rin ang depensa ng host team para angkinin ang ikapitong puwesto sa isang linggong torneo na nilahukan ng 12 koponan.
“Ang makapasok sa top eight ay sapat na kaya ang seventh-place finish ay bonus na sa amin,” wika ni coach Roger Gorayeb.
Nanumbalik ang sigla ni Alyssa Valdez habang solido pa rin ang larong naipakita ng 6-foot-5 na si Jaja Santiago upang mailista ng Pilipinas ang ikalawang panalo sa torneo.
Ang unang panalo ng host team ay naitala sa Kazakhstan sa pamamagitan ng straight sets na nagtiyak ng puwesto sa quarterfinals.
Matapos ang walong puntos na ginawa laban sa Chinese Taipei, si Valdez ay nagpakawala ng 19 kills at dalawang blocks tungo sa 21 puntos habang si Santiago ay nagdagdag ng 15 kills tungo sa 17 puntos.
“The girls were all pumped up today,” sabi ni Gorayeb, na ang mga manlalaro ay nagawang malagpasan ang nakakakabang sandali sa krusyal na bahagi ng ikatlong set kung saan nagawang rumatsada ng mga Iranians para makadikit sa 24-22. “That third set was very dangerous.
Had we lost, mag-iiba ang complexion ng laro. I told the girls that this is an international tournament, everybody here wants to win. Luckily, they delivered.”
Si Neda Chamlanian ay tumapos taglay ang 10 puntos para pangunahan ang Iran na tumapos sa ikawalong puwesto.
“We couldn’t stop their middle attack,” pahayag ni Iranian coach Hashe Maryam Alsadat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.