Wala akong ginawang panloloko, bahala na ang abogado ko sa kanila!—Pacquiao
Naoperahan na ang matinding problema sa kanang balikat ng Pambansang Kamao. Ilang oras ding tumagal ang operasyon, pero umuwi rin agad si Pacman, nakita siya ng ating mga kababayang nagbabantay sa harap ng kanyang bahay na nakabenda ang kanang bahagi ng katawan.
Dito na raw siya magpapagaling, iba na nga naman ang nasa sariling bayan siya, tutal naman ay bihasang-bihasa rin ang ating mga doktor sa kanyang sitwasyon.
Uuwi si Congressman Manny Pacquiao na may mga nakahaing kaso laban sa kanya sa Amerika, nadagdagan na nang nadagdagan ang mga nagrereklamo dahil diumano’y niloko sila ni Pacman sa hindi pagiging totoo tungkol sa kanyang kundisyon nu’ng magtuos sila ni Floyd Mayweather, Jr., milyun-milyong dolyar na ang kabuuang halaga ng mga asuntong ihinahain ngayon laban sa People’s Champ.
Sa Amerika pa naman. Madulas nga lang sila sa tapat ng isang bahay nang dahil sa kanilang kapabayaan ay kakasuhan na agad nila ang may-ari ng bahay na nakadisgrasya sa kanila. Lahat ng galaw sa Amerika ay may katapat na halaga.
“Bahala na ang mga abogado ko sa kanila. Wala akong ginawang pangloloko, sinabi ko na ang totoo na nu’ng pang-fifth round ko na lang naramdaman ang matinding pananakit ng right shoulder ko. Walang masakit sa akin nu’ng bago magsimula ang laban,” paulit-ulit na pahayag ng Pambansang Kamao.
Bilyong piso man ang nadagdag sa dati nang kayamanan ni Pacman ay kapayapaan naman ng kalooban ang ninakaw sa kanya.
At walang katumbas na kahit magkano ‘yun.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.