Hindi pa rin daw sila nawawalan ng pag-asa, patuloy pa ring umaasa
Hanggang ngayon ay nakaabang pa rin ang sambayanang Pinoy sa kalagayan ng Comedy King.
Maraming kababayan natin, lalo na ang mga taga-industriya ng lokal na aliwan, ang nagdarasal na sana’y muling malampasan ni Tito Dolphy ang delikado niyang sitwasyon ngayon.
Para sa iba ay may edad na siya pero ang edad na otsenta’y kuwatro ay napakabata pa kung ang tatanungin ay ang mga taong ilang dekada na niyang pinasasaya dahil sa kanyang galing sa pagkokomedya.
Gumalaw lang ang kilay ng Hari Ng Komedya at magdilat lang siya ng kanyang mga mata ay milagro nang itinuturing ng kanyang mga anak, iniiyakan na ‘yun ni Zsa Zsa Padilla, sa kanilang pakiramdam ay positibo ang resultang ibinibigay ng sama-samang panalangin ng ating mga kababayan para kay Tito Dolphy.Dumaan na siya sa proseso ng dialysis, gumanda-ganda ang kanyang sitwasyon pagkatapos nu’n, hanggang makakaya ng Comedy King ay ipagagawa pa rin ng kanyang pamilya ang ganu’ng proseso para umayos ang kanyang estado.
Matindi ang paninindigan ng kanyang anak na si direk Eric Quizon, “Naniniwala kami sa miracle.
Lumalaban ang tatay ko.
Matapang siya, hindi siya bumibitiw, kaya mas nagkakaroon kami ng katwirang huwag bumigay sa ganitong klase ng stiwasyon.”
Pinagtatalunan pa rin ng ating mga kababayan kung gagawaran ba o hindi ng National Artist award si Tito Dolphy.
Matagal na siyang karapat-dapat sa naturang parangal pero kung bakit hindi maigawad sa kanya ‘yun ay isang malaking tandang-pananong.
Para sa pamilya Quizon ay hindi ‘yun ang prayoridad.
Ang una para sa kanila ay ang makalampas sa kritikal na kundisyon ang Hari Ng Komedya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.