SI Filomeno Vicencio, dating customs intelligence chief ng Bureau of Customs, ay nahatulan ng anim na taong pagkabilanggo dahil pineke niya ang kanyang educational credentials.
Napatunayan kasi ng Sandiganbayan na si Vicencio ay nagsinungaling na siya’y nakatapos ng college degree sa University of the East.
Napag-alaman sa school records ng UE na walang nagtapos na Filomeno Vicencio doon.
Alam na natin kung saan kinuha ni Vicencio ang kanyang transcript of records—sa “ University of Claro M. Recto.”
Naglipana kasi ang mga tindahan sa C.M. Recto Avenue sa Sampaloc, Maynila na namemeke ng transcript of records.
Kung ikaw ay hindi nagtapos ng college at hinihingan ka ng diploma o transcript of records, pumunta ka lang sa C.M. Recto at magpagawa ka ng diploma o transcript of records.
Kahit anong klaseng diploma o transcript ay gagawin nila sa University of C.M. Recto.
Siyempre, magbabayad ka ng malaking halaga sa iyong kagaguhan.
At siyempre pagbabayaran mo rin ang iyong kagaguhan kapag nabuking ng employer mo ang iyong kasinungalingan.
Dapat ay i-raid ng otoridad ang mga tindahan na nagtitinda o gumagawa ng mga pekeng diploma o transcript of records.
Bawal sa batas ang pamemeke, pero bakit pinahihintulutan ang mga tindahang ito na magpatuloy ng kanilang masamang negosyo?
Nakakaawa yung mga magulang ng mga estudyante sa probinsiya na inaakala nila na nag-aaral ang kanilang mga anak pero nagbubulakbol lang pala.
Ang gagawin ng anak na salbahe ay magpagawa lang ng pekeng diploma o transcript of records at ipapakita ito sa kanyang magulang upang maniwala na siya’y nakapagtapos ng kolehiyo samantalang hindi naman.
Inaresto at ikinulong ng National Bureau of Investigation si Maria Cristina Sergio at ang kanyang live-in partner na si Julius Lacanilao.
Matatandaan na si Sergio at Lacanilao ang nag-recruit kay Mary Jane Veloso na hinatulan ng parusang bitay sa Indonesia matapos makitaan ng heroin ang kanyang bagahe sa Jakarta Airport .
Ipinagpaliban muna ang pagbitay kay Veloso dahil sa pakiusap ni Pangulong Noynoy kay Indonesian President Joko Widodo.
Sinabi ng pamilya ni Veloso na binigyan ito ng bagong luggage ni Sergio bago umalis papuntang Indonesia. Nakasiksik ang heroin sa lining ng luggage.
Dapat ay mahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sina Sergio at Lacanilao dahil inalis ang parusang bitay sa ating bansa.
Kung puwede sanang palit-ulo sina Sergio at Lacanilao. Sila na ang bibitayin at pakawalan na si Mary Jane.
Huwag na tayong umasa na mapapakawalan si Mary Jane kahit na sina Sergio at Lacanilao ay inaresto na.
Mahigpit ang batas ng Indonesia laban sa drug trafficking.
Walang jurisdiction ang Indonesia kina Sergio at Lacanilao dahil naganap ang kanilang krimen sa paglalagay ng heroin sa bagahe ni Mary Jane dito sa ating bansa.
Ang krimen ay hindi naganap sa Indonesia .
Itutuloy pa rin ng Indonesia ang pagbibitay sa takdang oras kay Mary Jane dahil yan ang batas sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.