MAG-aapat na taon nang nakakulong si Alenes Daño sa Sto. Domingo Angeles City Jail sa Angeles, Pampanga. Kasong illegal recruitment ang isinampa sa kanya.
Tubong Lapu-lapu City, Cebu si Daño. Ayon kay Bienvenido Villamor ng Makati na siyang lumapit sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer, napakisuyuan ‘anya siya ng pamilya ni Daño sa Cebu kung maaaring alamin niya ang kalagayan ng kanilang kamag-anak sa Angeles.
Dinala ni Villamor si Daño. Napag-alaman niyang November 11, 2011 pa nang unang nadetine si Daño sa National Bureau of Investigation. Tatlong buwan siyang nanatili roon.
Kwento ni Daño kay Villamor, nahuli siya ng mga awtoridad kasama ng pitong iba pa habang papalis patungong Malaysia bilang mga turista.
Gayong galing na ng Malaysia si Daño at ayon sa impormasyon, unang bumiyahe ito bilang turista din ngunit nakakuha naman siya ng magandang trabaho doon.
Nang umuwi siya at pabalik na sana ng Malaysia, sumabay ‘anya sa kaniya ang pito pa nitong mga kasamahan. Nahuli sila at nang tanungin kung sino ang nangunguna sa grupo, si Daño ang kanilang itinuro.
Sa isinumiteng salaysay ng pito, sinabi nila na hindi naman sila ni-recruit ni Daño at wala silang ibinayad na kahit magkano rito. Pero sinampahan pa rin siya ng kasong illlegal recruitment.
Noong Pebrero 7, 2012 inilipat si Daño sa Sto. Domingo Angeles City Jail. Gayong nakakadalawang hearing pa lamang ‘anya ang kaso ni Daño, at ang huli ay noong April 8, 2015, parehong walang dumalong kinatawan ang NBI sa naturang mga pagdinig.
Pakiusap sana ng mga kamag-anak ni Daño na mapabilis ang kasong kinakaharap nito. Si Atty. Joseph Quiambao ng Public Attorney’s Office (PAO) ang abogadong nagtatanggol kay Daño.
Ipinaabot na ng Bantay OCW ang kasong ito kay Atty. Deo Grafil ng Legal Department ng Office ni Vice President Jejomar Binay.
Aalamin natin ang magiging update ng kanilang tanggapan.
Malalim ang pakahulugan sa kasong illegal recruitment. Marami ang sa pag-aakala nila’y tumutulong lamang sila, ngunit may mga probisyon nang nalalabag sa batas at maaaring masampahan ng kasong illegal recruitment.
Maging maingat sana ang ating mga kababayan. Dito paulit-ulit na pumapasok ang paalala ng pamahalaan na huwag na huwag aalis ng bansa bilang turista at saka na lamang doon maghahanap ng trabaho. Napakadelikado noon.
Tulad na lamang ng na-ging kaso ni Mary Jane Veloso, ang Pinay na nasa death row at muntik-muntikan nang ma-firing squad.
Umalis ng bansa si Veloso bilang turista. Hindi siya isang OFW. Pagdating niya sa Malaysia wala siyang trabahong inabutan doon. Kung kaya’t napapayag na lamang siyang magtungo sa Indonesia at may ipinadala ‘anya sa kaniya doon.
Nahuli si Veloso na may dalang 2.6 kilos ng heroin. Gayong sinasabi niyang biktima siya ng mga drug courier, limang taon nang nakakulong si Veloso at nahatulan na. At halos walang makapaniwala na maisasalba pa mula sa tiyak na kamatayan si Veloso Huwebes ng madaling araw.
Kung nais talaga ninyong magtrabaho, isaayos ang mga tamang dokumento, dumaan sa tamang proseso gamit ang working visa o work permit.
Kung may mga ipadadala sa inyo, lalo pa’t may bayad… tiyak na kapahamakan ang dulot niyan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.