Tulong kay Veloso ‘too late the hero’ | Bandera

Tulong kay Veloso ‘too late the hero’

Jake Maderazo - April 27, 2015 - 03:00 AM

BUKAS, Abril 28, bibitayin sa pamamagitan ng firing squad si Mary Jane Veloso sa Nusakambangan prison island, Indonesia. Milagro na lang ang makasasalba sa kanya matapos mabigo ang maraming pakiusap ng gobyerno.

Biktima si Veloso ng human trafficking, matapos lokohin ng kinakapatid at kababayang si Maria Kristina Sergio alias Kristine sa Bgy. Esguerra, Talavera, Nueva Ecija na nagkumbinsing makakapagtrabaho siya sa Malaysia. Pero, binola na kailangang magpunta muna siya sa isang kaibigan ni Christine sa Jakarta kung saan doon na siya nahulihan ng 2.6 kilong heroin.

Kayat sa mata ng batas sa Indonesia, si Veloso ay sentensyadong “drug mule” at miyembro ng sindikatong nagpapasok ng ilegal na droga doon.

Noon pang 2010 nangyari ang insidente at sa nangyaring paglilitis hindi man lamang gumalaw ang ating embahada o konsulado sa Indonesia para tulungan si Veloso.

Kundi pa nag-ingay ang mga international human rights activists para sa 14 na dayuhan na kasama niyang bibitayin, hindi natin malalaman ang kanyang sitwasyon.

Mismong si Rafendi Djamin,kinatawan ng Indonesia sa ASEAN Inter-Governmental Commission on Human Rights ay nagsabi na may malakas na indikasyon na hindi nagkaroon ng fair trial sa kaso ni Veloso.

Wala rin itong abogado at interpreter kayat hindi niya lubusang naiintindihan ang hinaharap niyang kaso.

Sino ba ang dapat magbigay ng abugado at interpreter kay Mary Jane? Hindi ba’t ang Philippine Ambassador natin sa Jakarta? Ngayon ay nagkukumahog ang DFA at todo tulong pa sa buong pamilya ni Veloso; ninenerbyos na baka maulit ang isang “Flor Contemplacion” na nabitay noon sa Singapore.

Sana lang ang tulong nila ngayon ay ginawa nila noon pang 2010.

Ngayon lang din sinisilip ng Department of Justice ang pananagutan nitong si Sergio na kamakailan lang ay lumabas pa sa telebisyon at itinatanggi na siya ang recruiter ni Veloso. Giit pa nito na si Veloso ang humingi ng tulong sa kanya na makapagtrabaho sa abroad, at binigyan pa raw niya ito ng pera.

Pero iba naman ang sabi ng kapatid ni Veloso na si Marites. Anya, binayaran nila si Sergio ng P6,000 at isang motorsiklo kapalit ng pangakong trabaho bilang katulong na may sweldong P25,000 bawat buwan.

Kung susuriin, natulungan sana si Veloso sa kanyang kaso kung noon pang 2010 ay hinabol at kinasuhan ng gobyerno ang recruiter na si Sergio. At sa nakalipas na apat na taon, ay hindi malayong convicted na ito kung saan magagamit naman ang kaso para ipaliwanag sa pamahalaang Indonesia na biktima at hindi drug mule itong si Mary Jane.

Malungkot ang nangyari rito kay Veloso na ina ng dalawang bata na may edad na 12 at 6. Naghahanap ng hanapbuhay kahit domestic helper sa abroad para maitaguyod ang pamilya, nagbayad ng P6,000 at nagbenta pa ng motorsiklo pero niloko ng kinakapatid at isinubo sa mga drug syndicate sa Malaysia.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang pinakamasakit, matapos mahuli at litisin noong 2010, walang tulong na naibigay sa kanya ang gobyerno. Kung kailan ora-orada ay saka ngayon nagkukumahog. Too late the hero talaga ang Tuwid na daan..

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending