Angel umaming naguguluhan sa buhay ngayong 30 na siya
Ervin Santiago - Bandera April 25, 2015 - 02:39 PM
ANG ganda-ganda at ang sexy-sexy ni Angel Locsin nang humarap sa ilang members ng entertainment media kahapon para sa two-part episode na pagbibidahan nila ni Coco Martin sa Maalaala Mo Kaya.
Mapapanood mamayang gabi ang unang bahagi ng nasabing MMK episode na tumatalakay sa buhay ng isang nasawing Special Action Force commando sa trahedyang nangyari sa Mamasapano, Maguindanao ilang buwan na ang nakararaan. Kamakailan ay mag-isang nagtungo sa Batanes si Angel para doon mag-celebrate ng kanyang 30th birthday, hindi raw talaga niya niyaya ang boyfriend na si Luis dahil gusto raw niyang maranasan ang magbiyaheng mag-isa, kasabay ng pag-amin na hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman ngayong 30 na siya. Actually, naglista siya ng ilang bagay na gusto pa niyang gawin bago siya mag-40, “Hindi po ako magpapakaplastik, kaya rin po ako umalis kasi naguguluhan din po ako kung ano ang mararamdaman ko sa pagka-30 ko. “Bilang babae, siguro po maiintidihan niyo na kung ano ang pakiramdam na ‘yan. Hindi ko alam kung masaya po ba ako o ise-celebrate ko ba siya, magbi-birthday blues ba ako, ‘di ba? “Mas pinili kong mag-celebrate kung ano ang gusto ko so pumunta po ako sa Batanes. May mga goals kasi ako na feeling ko hindi ko pa nagagawa. So sisimulan ko po ngayon, simula 30 hanggang 40. “Thirty things to do before I turn 40, 30 acts of kindness, may mga ganung drama ako ngayon. At least positive ako sa pagka-30 ko,” paliwanag ng dalaga. Inamin naman ni Angel na mas magiging mapili na siya ngayon sa mga proyektong gagawin, “Right now kasi nasa ano ka na, e. Siguro kasi medyo kuntento ka na sa ginagawa mo. Parang dati, noong mas bata ako, mas habol mo ‘yong quantity. “Ngayon, parang mas quality talaga. Excited ako sa mga proyekto na naniniwala ako sa ipinaglalaban, tulad nga nitong episode namin ni Coco sa MMK about the SAF Fallen 44,” anang aktres na gaganap nga bilang abogadang fiancé ng nasawing SAF 44 na si Garry Erana. Dagdag pa niya, “Kapag may proyekto ako sa MMK, lagi akong masaya kasi minsan mo lang mailalabas ‘yong ganu’ng angle. “Bukod sa story, ano kasi, ang tagal kong nabakante after Legal Wife so, kung aarte ako, gusto ko ‘yong story na naniniwala akong may cause, ‘yong may ipaglalaban tayo rito,” sey pa ng GF ni Luis Manzano. Nagpasalamat naman si Angel sa mga ibinigay na papuri sa kanya ni Coco bilang tao at bilang artista. Inamin niya na matagal na niyang gustong makatrabaho ang Teleserye King kaya nga raw kahit hindi pa niya alam ang kuwento ng MMK episode na gagawin niya ay umoo agad siya nang malamang si Coco ang makakatambal niya. “Bukod sa napakagandang story, noong sinabi nila na si Coco, sabi ko, okay na ako. Nagpapasalamat ako na, at least, kahit sa MMK, nagkaroon ako ng chance na makatrabaho ko siya,” kuwento ni Angel. Pinuri rin nito ang kabaitan ni Coco, “Kasi ito ‘yong tao na ang dami nang naabot sa buhay niya, pero very humble at very down-to-earth. At nakakatuwa kasi hindi niya nakakalimutan kung paano siya nagsimula. Hindi siya nagbago, ganun pa rin siya, walang kaarte-arte.” Samantala, mapapanood naman sa susunod na Sabado (May 2) ang part two ng Fallen 44 episode ng MMK hosted by Charo Santos, Kasama rin dito sina Ejay Falcon, Malou de Guzman, Bembol Roco, Maricar Reyes, Ella Cruz, Rita Avila, Alex Medina, Marx Topacio, Efren Reyes, Trina Legaspi, Denisse Aguilar, Jillian Aguila, Aenah Solano at Johan Santos sa direksiyon ni Garry Javier Fernando, at sa panulat nina Arah Jell Badayos at Benson Logronio.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending