HINDI ang Nigerian na si Solomon Alabi ang import ng Barako Bull para sa season-ending PBA Governors’ Cup na magsisimula sa susunod na buwan.
Pero seven footer pa rin ang kinuha ng Energy sa katauhan ng Canadian cager na si Liam McMorrow.
Actually, second choice lang ni coach Koy Banal si McMorrow dahil ang una niyang gustong paratingin ay si DaVon Hardin. Pero umayaw si Hardin dahil maikli diumano ang third conference. Tila nais niyang maglaro sa isang torneo na may haba na anim na buwan gaya ng sa pinanggalingan niya sa Brazil.
Kahit paano ay kuntento na rin si Banal kay McMorrow dahil sa hindi sila madedehado kung pag-matchup lang sa ibang seven footers ng liga ang pag-uusapan. Kasi nga’y pababalikin ng Kia Motors si Peter John Ramos na nakatulong sa Carnival na magwagi ng apat na laro sa Commissioner’s Cup bagamat hindi rin naman sila umabot sa quarterfinal round.
So, kung mapapantayan ng Barako Bull ang KIA sa tangkad ng import, medyo mahihirapan sa kanila ang ibang teams dahil sa bumaba naman ang height limit para sa imports ng mga ito. Kung dati ay 6-foot-9 ang limit ng import para sa mga tulad ng Purefoods, San Miguel, Talk ‘N Text at Rain or Shine, ngayon ay 6-foot-5 na lamang.
Biruin mong ang laking diperensiya nun?
Six-five kontra seven footer? Paano magiging parehas iyon. Talagang may bentahe ang mga koponang tulad ng KIA, Barako Bull at Blackwater Elite kung gagamitin nila nang husto ang ibinigay sa kanilang bentahe. Bukod sa pagkakaroon ng import na may unlimited height, aba’y nadagdagan pa ng dalawang matinding manlalaro ang Barako Bull matapos na ipamigay nito sa Barangay Ginebra ang Number One pick sa susunod na season kapalit nina Dylan Ababou at James Forrester.
Hindi basta-basta sina Ababou at Forrester. Hindi lang nabigyan ng playing time ang mga ito sa kampo ng Gin Kings dahil nag-uumapaw ang talents doon. O baka ayaw lang sumugal ng mga dating coaches na sina Jeffrey Cariaso at Renato Agustin.
E, alam ng bagong Gin Kings coach na si Frankie Lim na hindi na rin suswak sa rotation niya ang dalawa dahil sa bukod sa Amerikanong import ay may Asian reinforcement pa ang bawat koponan sa Governors’ Cup. So, ipinamigay na lamang sina Ababou at Forrester para sa draft pick ng Energy.
E kung mananatili sa dulo ng standings ang Barako Bull, malamang na ang pick nito ay ikasampu o ikasiyam.
Ipagpalagay na nating ang unang dalawang makukuha sa Draft ay sina Moala Tautuaa at Bobby Ray Parks, aba’y napakarami pang puwedeng pagpilian ng Gin Kings. Nandiyan sina Norbert Torres, Troy Rosario at kung sinu-sino pa.
Panalo ang Ginebra sa susunod na Draft pero baka manalo naman ang Barako Bull sa susunod na conference!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.