KAHIT ano ay kayang gawin ng Pinoy kapag nasa ibayong dagay. Kahit mahirap kayang tiisin, kahit lagpas na sa oras ng trabaho, kaya pa rin! Laging “yes sir, yes mam.”Para silang mga superhuman.
Ganyan ang mga manggagawang Pinoy na tinagurian din na “todo-pasa.”
Masasabing isang mabuting katangian ito. Hindi sila mga reklamador, di mahilig magkwenta.
Ang problema lang, hindi nga sila nanlalamang, pero palagi silang nalalamangan.
Kabaitan nga ba ang pagiging “todo-pasa”?
May tamang kalalagyan din naman ang kabaitan. Hindi naman maaaring palagi na lang todo-pasa. Dumarating ang panahon, ginagawa na lamang pala niya ang trabaho nang sapilitan pero nagngingitngit na pala ang kalooban.
Palibhasa ay alam ng kanilang mga dayuhang amo na hindi naman nila kasama ang kanilang mga pamilya, hindi naman nila umano kailangang mag-day off, kung kaya’t madalas nilang bigyan sila ng trabaho sa panahon ng mga bakasyon ang mga Pilipino.
Hindi naman tatanggi ang masipag na Pinoy. Katwiran pa niya, maiigi rin umano iyon na busy siya sa trabaho sa halip na mag dayoff at may karagdagang kita pa umano para maipadala sa pamilya.
Hindi na nga yata mababago ang ganitong ugali ng Pinoy. Kultura na nga yata natin na hindi marunong humindi. Oo lang nang oo pero masama na pala ang loob.
At laging sinasabi ay dala kasi nang kahihiyan.
Pakatandaan lamang na may hangganan palagi ang lahat ng bagay. Mahirap nang ma-burnout pagdating ng panahon na sagad na sagad na rin kayo.
Matutong tumanggi at magsabi ng “hindi.”
Pagpapakita din iyon ng kabaitan sa ating mga sarili at maging sa ating kapwa.
Tapos na ang kontrata ni Cristina sa Kuwait noon pang March 2015. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakauwi sa bansa.
Ang dahilan daw, sabi ng kanyang amo, nagkamali ng visa stamping at naitatak iyon sa lumang passport ni Cristina sa halip sa bagong passport. May plane ticket na raw ito at iyon na lamang ang inaayos.
Asang-asa naman si Cristina na may pagkakamali ngang talaga. Kung kaya’t sinabihan siyang maghintay-hintay na lamang.
Ngunit biglang namatay ang nanay ni Cristina.
Nais niyang makauwi kaagad dahil tapos na ang kontrata niya.
Nang ipaalam namin sa Philippine Embassy sa Kuwait ang kalagayan ni Cristina, saka lamang nadiskubreng hindi pala ni-renew ng kanyang amo ang kanyang passport.
Pero mabait pa itong si Cristina, siya mismo ay paulit-ulit na sinasabi nito na mabuting tao naman umano ang amo niya.
Hindi naman isyu dito kung mabuti o masama ang employer. Sa kaso ni Cristina, dapat lamang na ginawa ng employer niya ang responsibilidad nito sa ating OFW at nakauwi na sana ito sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang kontrata.
Hindi na nakita ni Cristina ang kanyang ina. Iyan ay dahil sa kapabayaan ng kanyang amo.
Sa ating mga OFW, isang buwan bago pa matapos ang inyong kontrata, siguruhin sa inyong mga amo na naisasayos na ang inyong mga dokumento at handa na ang inyong plane ticket dahil iyon naman ang responsibilidad nila sa inyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.